Kasakiman, ugat ng fishkill sa Taal – DENR

KASAKIMAN ang siyang pinag-ugatan ng fishkill sa Taal Lake sa Batangas dahil nag-alaga ng mas maraming isda ang mga fish cage operator sa lawa na siyang naging sanhi pag-init ng klima ng tubig doon, ayon sa Department of  Environment and Natural Resources (DENR).

Sa testimonya ni DENR-Calabarzon Regional Director Nilo Tamoria sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on climate change sa pamumuno ni Sen. Loren Legarda, sinabi nito na nagkaroon ng fishkill sa Taal Lake dahil nagbago ang klima ng tubig bunsod ng pag-aalaga ng mga fish cage operator ng sobrang dami ng isda kaysa sa normal na bilang.

Iniulat din ni Tamoria sa Senado, aabot lamang sa 360 fish cage ang apektado ng fishkill mula sa 7,000 fish cage na nakalatag sa lawa.

Dati, umaabot sa 14,000 fish cage ang nakalatag sa lawa, ngunit dulot ng pagpupursige ng pamahalaang lokal, nabawasan ito at naging 7,000 na lamang.

“Mahigit 6,000 fish cage ang binaklas ng LGUs sa pamamagitan ng sariling pondo nito nang walang tulong sa pambansang gobyerno,” ayon kay Tamoria.

Sinabi naman ni Sen. Ralph Recto na kung 360 fish cage ang apektado ng fishkill, kumakatawan lamang ito sa limang porsiyento ng kabuang bilang ng fish cage sa lawa kaya’t ligtas umanong kainin ang 95 porsiyento ng inaaning isda sa naturang lugar.

“Hindi dapat matakot kumain ng isdang galing sa Taal kasi ligtas naman sa 95% ng isda doon,” giit ni Recto.

Sinabi rin ni Recto, kung hindi nag-over stock ang mga fish cage operator sa lawa, hindi magkakaroon ng fishkill na siyang dumudurog sa kabuhayan ng mamamayan sa paligid ng Taal.

“Kung hindi sila nag over-stock, hindi ganyan kalaki ang problema ng fishkill. They have become greedy (360 fish cage operators),” ayon kay Recto.

Hiniling din ni Recto sa DENR na huwag nang payagan pang muling makapagpatayo ng fish cage ang mga tiwaling operator upang maiwasan ang fishkills na lubhang nakaaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda.

“Dapat huwag na silang payagan magtayo ng fish cages ulit. Huwag na silang bigyan ng lisensya. Kung hindi nag-overstock, hindi ka mamamatayan,” ayon kay Recto.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply