Katarungan sa kababaihan

HINDI ganap na mailalarawan sa salita ang nagaganap sa mga kabababaihan sa kasalukuyan.

Sa nakalipas na mga araw at linggo, sunod-sunod ang pangyayaring ikinawasak ng dangal at ikinakitil ng buhay ng mga kababaihan.

oOo

Naunang ginulo ng mga manyak na magnanakaw ang mga babaeng dentista.

Nang nagsilabasan ang mga ulat ukol dito, lumabas na hindi lamang isa, dalawa o tatlo ang mga kaso ng pagnanakaw at panghahalay sa mga dentista.

Marami na ngunit hindi nakararating ang mga kaso sa mga kinauukulan.

Sinarili na lamang ng mga biktima ang kanilang mga nakakikilabot na karanasan.

At naganap ito sa iba’t ibang lugar sa Central Luzon at Kamaynilaan.

oOo

Nitong huli, magkasunod na pinagpapatay ang dalawang kababaihan sa Quezon City.

Pinagbabaril ng mga nakaarmalayt ang isang Sheryl Agnes Sarmiento sa Fairview.

Sinadya itong paslangin batay na rin sa ikinilos ng mga pumatay sa kanya.

Kinaumagahan, binaril at inagawan ng sasakyan si Marie Teresita Leaño sa Kamuning, Quezon City pa rin.

Nang tinangka nitong harangin ang mga karnaper, sinagasaan ito na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Iniwanang bangkay ng mga kriminal ang biktima sa kalsada.

oOo

Kumikilos na ang mga awtoridad para makilala at madakip ang mga salarin, ngunit nananatiling blangko pa sila ngayon at nakalalaya ang mga suspek.

Sa puntong ito, bukod sa pagkilos para madakip at makulong ang mga kriminal, ano-ano pa ang mga kampanya ng pamahalaan upang maiwasan o malabanan ng mga kababaihan ang mga krimeng ginagawa laban sa kanila?

Dapat na mabilis na kumilos ang mga kinauukulan  para isalba sa naturang mga krimen ang mga biktima.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply