Katiwalian sa DOTC kakalkalin ni Mar

KAKALKALIN ni incoming Secretary Mar Roxas ang umano’y mga katiwaliang nangyari sa Department of  Transportation and Communications (DOTC) noong nakaraang administrasyon ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Bukod sa pagbubusisi sa mga katiwalian, isang bultong trabaho ang naghihintay kay Roxas, na inaasahang magiging abala sa susunod na tatlong linggo sa pag-aaral ng kalakaran sa kagawaran.

Sinabi ni Roxas na pangunahin sa pagkakaabalahan niya ay ang pagbuo ng isang team para makatuwang sa pagpapatakbo ng DOTC.

Magugunitang tatlong undersecretary at isang assistant secretary ang kasamang nagbitiw ni outgoing Transportation Secretary Ping de Jesus.

Ayon kay Roxas, aminado siyang maraming problema ang kakaharapin sa DOTC at hindi magiging madali ang kanyang tungkulin.

Ilan umano dito ang pagkalkal sa iba’t ibang katiwalian sa nakaraang administrasyon tulad sa kontrobersyal na NBN-ZTE deal, na wala pa ring kalinawan hanggang ngayon.

Kabilang pa sa mga nakaambang problema ay ang kontrobersyal na kontrata sa Stradcom sa LTO at ang hindi matapos-tapos na isyu sa NAIA Terminal 3.

Sinabi pa ni Roxas na lahat ng mga dokumento at impormasyon na nasa filing cabinet ng DOTC ay hahalungkatin niya at ibibigay sa Department of Justice (DOJ), sa PCGG, sa Senado at sa iba pa na nag-iimbestiga dito.

Ang mahalaga umano ay magkaroon ng transparency.

Samantala, muli ring iginiit ni De Jesus na wala siyang sama ng loob sa kanyang pag-alis bilang kalihim ng naturang ahensya.

Naniniwala rin si De Jesus na nagawa niya nang matuwid ang kanyang trabaho nang walang bahid ng katiwalian.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply