Kawalan ng diborsyo sa Pinas dapat ikarangal

ISANG malaking karangalan para sa Pilipinas na ito na lamang ang nag-iisang bansa na wala pang batas hinggil sa diborsyo, ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Aniya, sa halip na isulong ang diborsiyo ay dapat pa ngang ipagmalaki ng mga Pinoy na walang diborsyo sa bansa.

Ipinaliwanag ni Cruz na nangangahulugan kasi ito na nananatili pa rin sa mga Pinoy ang pagmamahal sa pamilya.

Iginiit pa ng arsobispo na ang pagiging “family- and children-oriented” ng mga Pinoy ay kilala sa buong mundo kaya naman dapat itong panatilihin.

“Kung sasabihin sa akin, ‘kayo na lang ang natitira, Pilipinas, na walang divorce,’ ang issagot ko, ‘Salamat sa Diyos!’ I’m very proud of that,” ayon pa kay Cruz.

Sa ngayon, maliban sa Vatican City, ang Pilipinas na lang ang nag-iisang bansa na wala pa ring diborsiyo.

Nauna na kasing inaprubahan ang pagsasa-ligal ng diborsyo sa Malta, na isang bansang Katoliko.

Isinisi naman ni Cruz sa globalisasyon ang paglutang ng mga panukalang batas patungkol sa reproductive health at diborsyo.

Binigyang-diin pa nito na ang mga nasabing panukala ay pawang mga ideyang pangdayuhan at hindi ng kulturang Pinoy.

Inihalimbawa naman ni Atty. Jo Imbong, legal counsel ng CBCP ang naging epekto ng diborsyo sa mga pamilya sa mga bansa sa kanluran.

“Let’s look at the Western countries. It was a disaster. Destroyed family, destroyed children, destroyed stepchild/parents relationship, everything is in havoc. Now, do you want that to happen in this country,” pahayag ni Imbong.

Nakasaad aniya sa Saligang Batas na ang kasal ay isang “sacred union” kaya dapat itong igalang at kilalanin. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply