‘KKK’ ni PNoy butata sa GOCC — Drilon

TINIYAK ni Sen. Franklin Drilon na hindi maaaring italaga ni Pangulong Benigno Aquino III ang tinaguriang “KKK” ( kaibigan, kaklase at kabarilan) sa alinmang Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) dahil ipinagbabawal ng batas.

Ayon kay Drilon, kaalyado ni Pangulong Aquino, naglagay ng kaukulang alituntunin ang Kongreso sa GOCC Governance Act na  nagbabawal magtalaga ng sinuman sa KKK na walang kuwalipikasyon alinsunod sa itinakda ng batas.

“Unang una yung KKK hindi mangyayari dahil may nilagay tayong fit and proper rule. Hindi ka pwedeng italaga sa GOCC kung wala kang qualification,” ayon kay Drilon.

Inihalimbawa ni Drilon ang pagtatalaga ng dating administrasyon bilang director ng Pag-IBIG funds sa manicurista ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at isang hardinero mula sa National Parks Committee.

“Halimbawa, kung ikaw ay itatalaga sa Pag-Ibig Fund, hindi pwedeng isang beautician o manikurista. Yun pong pag abuso sa pagbigay ng bonus sa kanilang sarili, sa board of directors, hindi na po pwede yon dahil magkakaroon ng salary standardization for GOCCs,” paliwanag ni Drilon.

Nilinaw din ni Drilon na hindi tatamaan ng naturang batas ang pangkaraniwang empleado ng kompanya ng gobyerno dahil nakatuon lamang ang Governance Council sa pagtatalaga at pagsusuri sa performance ng board of directors, chief executive officer at general manager ng GOCCs.

“Ang batas na ito ay   applicable lamang sa board of directors at chief executive officer or general manager. Hindi po applicable sa karaniwang empleyado,” paliwanag ni Drilon.

Aniya, lubhang apektado ng bagong batas ang Government Service Insurance System (GSIS) na mayroong 17 executive vice president at 35 vice president ngunit hindi inaalis ng batas na magtalaga ng ganitong kadaming opisyal.

“Liwanagin natin, sa GSIS ang affected ng batas na ito yung affected lang ay board of trustees at general manager. That’s their own judgment. Hindi sakop ng batas kung ilang vice president sa GOCC, yung board nila ang bahala dun,” giit ni Drilon.

Sinabi pa ni Drilon na may probisyon sa bagong batas na Kailangan rebyuhin ang performance ng bawat itinalagang opisyal sa GOCC kada taon upang hindi makapagsamantala ang sinuman tulad nang nangyari sa nakaraang administrasyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply