Krimen, karahasan ang tutukan – obispo

SA HALIP na terorismo, naniniwala ang isang arsobispo ng Simbahang Katoliko na ang kaliwa’t kanang krimen at karahasan sa bansa ang higit na dapat tutukan at gawing prayoridad ng mga awtoridad.

Ang pahayag ay ginawa ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kaugnay sa ipinalabas na travel advisory ng Estados Unidos laban sa Pilipinas.

Ayon kay Cruz, hindi siya naniniwala na may bantang terorismo sa bansa dahil simula aniya nang mapatay ng puwersa ng Estados Unidos si Al Qaeda founder Osama Bin Laden ay wala pang napapaulat na paghahasik ng karahasan sa Pilipinas ang mga kaalyado nito.

Iginiit pa ni Cruz na sa halip na terorismo, ang karahasan at kaliwa’t kanang mga krimen na nagaganap sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa, tulad ng pagpatay sa mga mediamen, ang dapat na tutukan ng mga awtoridad.

“This is my own perception. Magmula noong nawala nga si Bin Laden, panay ‘yan ang sinasabi na may mga pagbabanta sa seguridad sa mga tao, there would be heightened terrorist attack, pero hanggang ngayon ay wala pa akong nakikita kundi ang Filipino mismo ang nagpapatayan sa kapwa Filipino lalo na sa Quezon City,” ayon kay Cruz, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Dagdag pa ng obispo: “Nitong mga nakaraang araw mga babae ang pinatay. Meron pang ginahasa rito, ginahasa roon.”

Samantala, sa panig naman ni Isabela de Basilan Bishop Martin Jumoad, hindi umano niya iniaalis ang posibilidad na maghasik ng kaguluhan sa bansa ang mga terorista.

Ayon kay Jumoad, ilang beses na rin kasing nalusutan ng mga terorista ang mga awtoridad, lalo na’t kulang ang mga ito ng makabagong armas at teknolohiya para sugpuin ang terorismo.

“There is always a possibility kasi when they are terrorist, they will always look for every possible way in order to create scenario.  Malaking posibilidad po ‘yan pero ang problema wala tayong modern equipment.  Kahit alam natin pero wala naman tayong modern equipment, facilities then dehado tayo pag ganyan ang mangyayari,” pahayag pa ni Jumoad.

Sa ipinalabas na travel advisory ng Estados Unidos, binalaan nito ang kanilang mga mamamayan na mag-ingat dahil sa posible umanong pag-atake ng mga terorista sa bansa, partikular sa Metro Manila at Mindanao. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply