Lolo tinarakan, tigok

PATAY ang isang matandang lalaki matapos itong saksakin ng apat na beses ng di nakilalang salarin habang natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Tondo Maynila, Linggo ng gabi, Hunyo 26.

Kinilala ni P/Insp.Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktima na si Gregorio Bondoc, 83, balo at residente ng 401-B Interir 6 Perla St.,Tondo, Maynila.

Tumakas naman ang di nakilalang salarin matapos ang insidente.

Sa report ni PO2 Bernardo Cayabyab, dakong 11:20 ng gabi ng maganap ang insidente sa loob ng kasalukuyang ginagawang bahay ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon, natutulog na umano si Bondoc sa sofa sa unang palapag ng kanilang bahay nang pasukin ito ng di nakilalang suspek at walang-sabi sabing pinagsasaksak ang matanda.

Ayon naman kay Nackley Agaman, apo ng biktima, huli niyang nakitang buhay ang kanyang lolo ganap na 9:00 ng gabi nang magtapon ito ng basura sa labas ng kanilang bahay na siyang nakagawian ng biktima bago ito matulog.

Makaraaan ang ilang minuto ay umakyat na rin si Nackley sa ikatlong palapag upang matulog ngunit pagsapit ng maghahating gabi ay nagising ito sa tahol ng kanilang aso kaya bumaba ito upang tignan ang nangyayari sa ibaba ng bahay.

Nagulat na lamang umano ito ng makita ang kanyang lolo na duguan at hinahabol ang kanyang hininga kaya agad na tinawag niya ang kanyang Tito Ferdinand para dalhin sa ospital ang biktima subalit idineklara na itong dead on arrival sanhi ng tinamong tama ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply