LRT nagkaaberya; mga pasahero naistranded

MULING naantala ang biyahe ng Line 1 ng Light Rail Transit Authority (LRTA) mula Baclaran patungong Monumento nang tumirik matapos magkaroon ng short circuit ang breaker ng isang tren sa Libertad Station Martes ng umaga, Hunyo 21.

Daan-daang mga pasahero na patungong Monumento ang naipon sa mga istasyon dakong 8:00 ng umaga nang tumirik ang isang tren na kinailangan pang hatakin sa emergency track sa Central Station upang maibalik sa normal ang biyahe.

Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA, napilitan silang pababain ang mga pasahero upang mahila patungo sa emergency track ang tumirik na tren subalit may ilan aniyang pasaway na commuters ang tumangging bumaba kaya’t naantala ang paghila sa tren.

Nilinaw naman ni Cabrera na inabot lamang ng 15-minuto ang pagka-antala ng biyahe at normal lamang aniya na maipon ang mga pasahero sa mga train stations kahit bahagya lamang ang delay dahil na rin sa dami ng mga tumatangkilik sa pinakamura at pinakamabilis na uri ng pampublikong transportasyon.

Kaagad namang naibalik sa normal ang biyahe ng line 1.

Inaalam pa ng mga maintenance crew kung ano ang sanhi ng pagkakaroon ng short circuit ng breaker ng naturang tren.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply