LTO, ikinasa ang ‘Oplan Sagip Kaeskwela’

DALAWANGPU’T limang (25) tricycle at motorsiklo na ginagamit bilang school service ang dinampot ng Land Transportation Office (LTO) sa pagsisimula ng implementasyon ng “Oplan Sagip Kaeskwela,” Huwebes ng umaga.

Pinangunahan ni LTO Chief Virginia Torres ang inspeksyon ng mga school service sa Justice Muñoz Palma Elementary School at sa Payatas Elementary School  sa Quezon City.

Ayon kay Torres, ang mga hinuling tricycle at motorsiklo ay lumabasg sa batas trapiko dahil ang ilan sa mga drayber nito ay nago-overload, walang helmet at walang lisensiya.

Kinumpiska na rin ang plaka ng mga hinuling sasakyan dahil sa kanilang traffic violations.

Sinabi rin ni Torres na aaraw-arawin nila ang inspeksyon sa mga school shuttle service para matiyak ang proteksiyon ng mga estudyanteng sumasakay sa kanila.

Isusunod na target ng LTO ang mga van na school service na walang prangkisa, walang mandatory markings at hindi sapat ang safety accessories.

Hihingi umano si Torres sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng listahan ng mga school service na may lehitimong prangkisa para mawalis ang mga sasakyang may iligal na operasyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply