Luzon babayuhin ng malalakas na ulan

INAASAHANG babayuhin pa ng pabugsu-bugsong malalakas na ulan ang bahagi ng Luzon bagama’t tuluyan nang  nakalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Falcon.

Samantala umakyat na sa 15 katao ang nawawala dahil sa bagyong Falcon sa Pilipinas.

Sa pinakabagong ulat ng PAGASA, namataan kanina ang bagyo sa layong 590 kilometro sa Hilagang Silangan ng Basco, Batanes.

Lalo pa itong lumakas sa dalang hangin na umaabot sa 105 kilometro bawat oras at may pabugsong 135 kilometro bawat oras. Kumikilos ito ng patungong hilaga, hilagang-kanluran o sa kanlurang bahagi ng Okinawa, Japan.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang sa mga nawawala ay ang 12 mula sa Catanduanes na karamihan ay mangingisda, isa sa Albay at isa sa Rizal.

Umabot sa 216,397 katao ang naapektuhan ng hagupit ni “Falcon” at nasa 53,693 ang mga nagsilikas.

Pinakamarami sa naapektuhan ay mula sa Bicol region na nasa 110,073 katao, habang 7,520 indibidwal ang apektado sa National Capital Region (NCR), nasa 95,472 residente naman sa   Bulacan, Pampanga, Zambales at Tarlac.

Gayunman, dahil nakalabas na ang bagyo sa Pilipinas, unti-unti na ring bumabalik sa normal ang pamumuhay ng mga apektadong residente.

Sa initial na report, umabot na sa P1.9 million ang pinsala sa imprastraktura at agrikultura habang wala pang nakumpirmang nasawi sa kalamidad.

Ibinaba na rin ng PAGASA ang lahat ng storm signals, gayunman pinaalalahanan pa rin nito ang mga residenteng nasa tabing ilog o sa mababang lugar na paghandaan ang mga pag baha dahil sa patuloy na mga pag-ulan lalo na sa northern at Central Luzon maging sa Metro Manila.

Wala namang panibagong sama ng panahon na nagbabanta sa bansa. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply