Maaga pa para husgahan si PNoy

ANO kaya ang kumati kay dating Pangulong Gloria Arroyo at biglang nagdadakdak  laban kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino lll?

Walang direksiyon ang kasalukuyang gobyerno, yan ang patutsada ni Aling Gloria at mga kasama sa  oposisyon  kay PNoy.

Para ma-justify ang pag-iingay, ginagamit nila ang performance ratings survey ni PNoy  na isinagawa ng SWS at Pulse Asia.

Sa totoo lang, wala kasi talagang makita ang mga alipores ni GMA na alegasyon ng katiwalian sa administrasyong Aquino.

At sa pagpipilit nilang makaiskor, kung ano-ano na maling akusasyon na lamang ang ibinabato sa mga kasapi ng Gabinete.

Ang Pangulong Aquino ay nakakuha ng plus 46 net satisfaction rating sa Hunyo 3 hanggang Hunyo 6 SWS survey mula sa plus 51 net satisfaction rating noong nakalipas na Marso at 71 % trust at performance ratings mula sa Pulse Asia noong Marso 21 hanggang Hunyo 4, 2011 mula sa 74% noong Marso.

Ang survey na ito ng SWS at Pulse Asia ay ‘di dapat gamitin ng oposisyon sa kanilang pag-iingay dahil sa kasaysayan, ang ratings na ito ni PNoy ay mataas kumpara sa nakaraang mga Presidente ng Pilipinas.

Sa parehas na pagtingin, ito’y nangangahulugan na mayorya ng mga Filipino ay patuloy na nagtitiwala at kinikilala ang ginagawang mga trabaho ni Pangulong Aquino.

Sa resulta ng survey, malinaw na ‘di tinatanggap ng publiko ang paninira ng kampo ni Arroyo na nawawala na ang suporta ng publiko sa pamahalaan.

Hindi naman nakapagtataka na mamulitika itong oposisyon. Wala kang aasahang sasabihin ang oposisyon sa kasalukuyang administrasyon.

Nanantiling nasa magandang posisyon ang mga resulta ng survey matapos makakuha ng napakataas na ratings noon si PNoy.

Hindi ba negatibo pa nga ang rating noon ng dating administrasyong Arroyo, malayong-malayo kay Pangulong Aquino.

Tama ang pahayag ng Pangulo, magtatrabaho na lamang siya at huwag nang pansinin ang naninirang kampo ni Arroyo, lalo’t hindi naman popularity contest ang paglilingkod sa bansa.

Maaga pa para husgahan natin si PNoy.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply