Mag-anak, patay sa killer pick-up

SURIGAO DEL SUR — Patay ang isang mag-anak nang salpukin at makaladkad ng isang Nissan pick-up sa Bislig City kahapon, Hunyo 13.

Kinilala ang mga ito na sina Alexander Genon Bongo, 47; asawang si Elena Barete Bongo, 39 at anak na si Renz Daniel Barete Bongo, 4.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, dakong 5:30 ng madaling-araw nang maganap ang aksidente sa National Highway sa Barangay Mancarao sa Bislig City.

Nabatid na naghihintay ng masasakyan ang mag-anak sa kalsada nang aksidente itong mabangga ng Nissan pick-up (PDQ-820) na pag-aari ni Benito Duero Arellano Jr., 43, negosyante at residente ng Block 7, Castillo Village, Mangagoy, Bislig City.

Nabatid na patungong Bislig City ang sasakyan nang bigla itong napaliko sa kabilang direksyon at sinalpok ang mga biktima.

Nakaladkad pa ang mag-anak sa isang bukas na kanal kaya’t nagtamo ang mga ito ng matinding pinsala.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang kaso laban kay Arellano.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply