Malakanyang kalmado sa isyu ng Spratlys

PATULOY na magiging kalmado ang Malakanyang kaugnay sa isyu ng pinagtataluang Spratly Islands.

Partikular na nilinaw nitong hindi nila hinahamon ang China nang magpalabas ito ng saloobin ng pamahalaan.

Bagama’t nagiging mahinahon ang pamahalaan, umaasa naman ang mga mambabatas na magiging matibay ito sa paninindigan sa karapatan ng bansa sa Spratly Islands.

Ayon kay Communication Secretary Ricky Carandang, maaaring naliligaw lamang ang translation ng mga sinasabi at ipinapaliwanag nila hingil sa umiinit na usapin.

Naniniwala si Carandang na walang mali sa mga ipinaliwanag nila at kung ano ang ginagawa ng gobyerno upang mapanatiling mapayapa ang sitwasyon.

Ang pahayag na ito ni Carandang ay bilang tugon sa sinabi ni Senate President  Juan Ponce Enrile na dapat nang tigilan ng mga tagapagsalita ng Malakanyang ang pag-bypass sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa isyu ng Spratlys o West  Philippine Sea dahil lalo lamang umanong nanggigigil ang China.

Depensa pa ni Carandang, anuman ang ipinalalabas nilang pahayag ay may koordinasyon palagi sa DFA.

Naniniwala rin ito na hindi naman lumalagpas ng territorial waters ng Pilipinas ang ipinadalang barkong Raja Humabon sa Scarborough Shoal sa Spratly Islands, kaya’t hindi ito dapat ituring ng China bilang pambu-bully sa panig ng Pilipinas.

Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, maganda ang inisyatibo ni Speaker Sonny Belmonte na makipag-usap sa mga kapwa mambabatas sa China upang makita ng mga ito ang kahandaan ng Pilipinas para sa mapayapang resolusyon sa isyu ngunit pagiging matatag naman sa paggiit sa ating karapatan sa Spratlys gayundin ang pagkundena sa panghihimasok ng mga Instik sa ating teritoryo.

Naniniwala naman si Akbayan Rep. Walden Bello na hindi nirerespeto ng China ang kahinaan at kakulangan ng bansa at inihalintulad pa ang mga ito sa mga Amerikano na sasamantalahin tayo kung sa tingin nila ay walang lakas ng loob. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply