MALAMIG LANGIT (Ika-80 labas)

MULA sa Dagupan City, nadala na si Randy sa ospital na pinagtatrabahuhan ni Romano.

Siya na lang ang hinihintay para magsagawa ng heart transplant operation.
ASAP!

Hangos na naligo at nag-bihis na si Romano para magtungo sa pinapasukang ospital.
Mabilis ang pagkilos ng lalaki …

Saglit pa’t lulan na siya ng kanyang kotse patungo sa pinapasukan.

Nang dumating siya rito, mabilis siyang sinalubong nang luhaang si Almira.

Halata na ang kanyang ipinagbubuntis …

Anak nila ito.

“Nakikiusap ako sa iyo, Romano. Please save Randy for me!” luhaang pakiusap ng babae.

“Hindi na kailangang makiusap ka pa sa akin, Almira,” kalmadong tugon ng binata.

“Doktor ako at ang sinumpaang tungkulin ay magligtas nang buhay.”

Bago dumiretso sa operating room, nagpalit muna ng surgical dress ang siruhano.

Ilang saglit pa’t nakatayo na siya sa tabi ng tulog na pasyente.

Alalay niya si Louie at ilang nars.

Pinagmasdan ni Romano ang mahigpit niyang karibal sa puso ni Almira.

Hawak niya ngayon ang buhay nito …

Saglit na dumaloy sa kan-yang isipan ang kanyang career bilang siruhano …

Hindi pa niya naranasang makamatay ng pasyente …

Matagumpay siya sa larangang ito.

Maya-maya’y nagsimula nang gumana ang bihasang mga kamay ni Romano …

Mahirap ang operasyon …

Mabusisi …

Matagal …

Pero sanay na si Romano sa ganitong trabaho dahil ito ang pinag-aralan niya.

Dito siya nagpakadalubhasa …

Nakilala …

Sumikat at naging bukam-bibig sa medical world.

Nasa chapel ng ospital si Almira …

Nakaluhod sa harap ng altar at taimtim na ipinagdarasal ang kaligtasan ni Randy.

“Lord, tulungan mong makaligtas ang lalaking nagmahal sa akin nang tapat kahit sino pa ako. Kailangan ko siya at ng aking magiging anak,” bahagi ng dasal ni Almira.

Makaraan ang mahigit isang oras na pagdarasal, lumabas na ng chapel ang babae.
Nagtungo sa operating room …

Hindi pa tapos ang operasyon pero hindi na umalis si Almira.

Matiyaga siyang naghintay sa labas para hintayin ang resulta ng operasyon kay Randy.

Makalipas ang mahigit isang oras, bumukas na ang pintuan ng operating room.
Pawisang lumabas si Romano …

Anyong pagod na pagod.

Biglang tumayo si Almira sa kinauupuan at sinalubong ang siruhano.

“Kumusta na si Randy, dok?” sabik na salubong ng babae.

Nagpahid ng pawis sa noo si Romano bago walang kurap na tiningnan si Almira.

“B-Bakit hindi ka magsalita? Kumusta na si Randy? Ano ang nangyari sa kanya?”
sunod-sunod na tanong ng babae na alipin nang matinding kaba.

Malungkot na napailing-iling ang siruhano.

“G-Ginawa ko ang lahat para mailigtas siya,” garalgal ang tinig na sagot ni Romano. “Pero hindi ako Diyos para magdesisyon kung hanggang kailan ang ilalagi niya sa mundong ito.”

Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Almira sa narinig.

Ang ibig kasing sabihin ni Romano, hindi nakaligtas sa operasyon si Randy.

Patay na siya ngayon.

Hindi nagawang tanggapin ni Almira ang sinapit ng kasintahan.

Ang naging kamatayan nito ay isinisi niya kay Romano. Itutuloy

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply