MALAMIG NA LANGIT (Ika-65 labas)

KINABUKASAN, habang nag-aalmusal ay kinausap ni Charlene si Romano.

Mamaya raw uwian ay dadaan siya sa kanilang bahay sa Mandaluyong.

Isinasama niya ang lalaki.

“Next time na lang ako sasama. May OT ako mamaya. Hindi makakapasok si Dr. Santillan at papalitan ko siya. Ikumusta mo na lang ako sa kanila,” sagot ni Romano.

“Ano’ng oras ka uuwi?” tanong ni Charlene.

“Hindi ko alam!”

Sa puntong ito na natapos ang kanilang usapan.

Magkasabay silang pumasok pero magkahiwalay ng sasakyan.

Hindi totoong may OT si Romano.

Susundin niya ang payo ng kaibigang si Louie.

Susubaybayan niya ang kilos ng asawa.

Nang dumating ang uwian, nagpaalam si Charlene na aalis na.

Pupunta raw siya sa bahay ng biyenan.

Nang umalis na ang asawa, kinausap ni Romano si Louie.

Hinihiram ang kotse ng kaibigan.

“Ano ba ang nangyayari sa iyo? Ang ganda ng car mo tapos ay ang bulok na kotse ko ang gusto mong gamitin?” takang tanong ni Louie.

“May importante lang akong pupuntahan at hindi bagay na gamitin ko ang kotse ko. Palit na muna tayo.
Gamitin mo ang car ko at gagamitin ko ang kotse mo,” sagot ni Romano habang iniaabot sa kaibigan ang
susi ng kanyang sasakyan.

Nakipagpalit naman ng susi si Louie.

“Magugulat ang mga kapitbahay ko pagdating sa amin dahil ang ganda ng kotse ko,” natatawa niyang sabi.

“Ayaw mo nun! Sisikat ka sa inyo!” natatawa ring sabi ni Romano. “Pero hindi ba naman ako ititirik ng kotse mo?”

“Ano ka ba? Kahit minsan ay hindi pa ako itinirik ng kotse ko. Body lang ang luma riyan pero matibay pa ang makina,” sagot naman ni Louie.

Umapir si Romano sa kaibigan at umalis na gamit ang kotse ng kaibigan.

Susundan niya ang asawa sa bahay ng biyenan pero hindi siya magpapakita.

Titigil siya malapit sa bahay ni Col. Gorospe at aabangan ang paglabas ng sasakyan ni Charlene.

Gusto niyang malaman kung dederetso siya ng uwi pagkagaling sa bahay ng mga magulang.

Mahigit isang oras lang na naghintay si Romano.

Maya-maya’y nakita niyang palabas na ng gate ang kotse ng asawa.

Sinundan niya ito.

Dinikitan …

Tinted ang salamin ng kotse ni Louie kaya hindi kita ang sakay sa loob.

At hindi maghihinala ang asawa na siya ang nakasakay dito dahil bago at modelo ang kanyang kotse hindi tulad ng gamit niyang sasakyan na bukod sa luma, hindi kabilang sa mga mamahaling sasakyan.

Gulat si Roman nang mapunang hindi patungo sa Valleverde ang takbo ng kotse ni Charlene.

Papuntang Luneta …

Maya-maya’y namaybay sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

Hanggang sa kumaliwa patungo sa isang Five Star Hotel.

Ano ang gagawin dito ng asawa?

Sumunod din siya sa loob.

Maingat na tinungo ang restoran sa first floor …

Mula sa labas, tumanaw siya sa loob …

Maraming tao …

Natagalan siya bago naapuhap ng tingin ang asawa.

Nakita niya itong may kasamang guwapong lalaki sa isang mesa.

Dinukot niya ang kanyang digital camera sa bulsa …

Palihim silang kinunan …

Matapos ito, humanap siya ng puwesto malapit sa elevator kung saan ay hindi siya mapapansin …

Hindi nagtagal at nakita niyang palabas na ng pintuan ng restoran ang asawa at ang kasamang lalaki.

Pero sa halip na umalis na sila ng otel, tinungo nila ang elevator at pumasok sa loob.

Muli ay palihim silang kinunan ni Romano. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply