MALAMIG NA LANGIT (Ika-71 Labas)

NANG dumating ang labasan, dala ang envelope na kaagad na umuwi si Romano sa kanilang bahay.

Dito niya nalamang hindi pa dumarating si Charlene kahit nauna siyang umalis ng ospital.

Naghintay si Dr. Santamaria …

Mabilis na lumipas ang mga oras …

Mag-aalas-dose na ay wala pa ang asawa.

Palagay niya’y hindi na darating pa si Charlene …

Natakot o nahiya nang magpakita pa sa kanya.

Hanggang sa sumikat ang araw, ni mukha ng asawa ay hindi niya nakita.

Naligo siya at nagbihis …

“Hindi yata umuwi si Charlene, iho,” tanong ni Aling Melinda. “Saan ba nagpalipas ng gabi ang asawa mo?”

“Baka sa house ng parents niya!” matipid na tugon ng lalaki.

“Hindi siya nagpaalam sa iyo?” kunot-noong tanong ng matandang babae.

“Nagsabi ho siya kahapon,” pagkakaila ni Romano.

Tahimik siyang nag-almusal.

Pagdating niya rito, mga kapwa doktor naman ang nagtatanong.

Kung papasok raw ba si Charlene?

Tanghali na kasi ay wala pa siya at wala pang doktor sa kanyang clinic.

Hindi malaman ni Romano ang isasagot.

Sinabi na lang niya na for the meantime … habang wala pa si Charlene ay mag-assign na muna ng ibang doktor sa klinika nito para hindi naman mainip sa paghihintay ang nakapilang mga buntis na nagpapatingin sa kanya.

Habang nagpapahinga si Romano sa Doctor’s Quarters, lumapit sa kanya si Louie.

‘May problema ba kayo ni Charlene?” tanong ng kaibigan.

“Siya lang ang may problema. Alam mo iyan!” sagot ng una.

“Ano ba ang nangyari sa lakad mo kagabi?” tanong ni Louie.

“Nakunan ko sila ni Bernard habang kumakain sa restoran. Ganun din nang magkahawak kamay silang sumakay sa elevator para umakyat sa ipinareserba nilang kuwarto at nang habang naghahalikan sila sa carpark bago naghiwalay,” may lungkot sa mga labing sagot ni Romano.

“Ipinamukha mo na ba sa kanya ang ginagawa niyang paglalaro ng apoy?”

“No! Pero sigurado ako na alam na niya na alam ko nang pinagtataksilan nila ako!”

“How do you know?” tanong ni Louie.

“Ang envelope na naglalaman ng kanilang kataksilan na inilagay mo sa drawer ko, sigurado ako na nakita niya kaya nagdudumali siyang umalis kahapon.”

Napamaang ang kaibigan.

“Hindi ko alam na mga kuha nila ang laman nito, pare. Hindi ko kasi tiningnan at basta na lang inilagay sa drawer mo. At tiyempo namang habang inilalagay ko iyon, siya namang pagdating ng misis mo. Tama ka na maaaring nakita niya ang mga kuha nila ng kanyang kalaguyo,” nanlalaki ang mga matang sabi ni Louie.
Nang biglang bumungad sa pintuan si Dra. Manalo.

“Tsismis iyan, ha! Mabuti pa kayo, maraming alam. Pa-share naman!” nakatawang sabi ng babaeng manggagamot.

Tumawa si Louie.

“Secret ang pinag-uusapan namin. Hindi puwedeng malaman nang kahit sino!” sabi ng una.

“Ang damot n’yo naman!” sabi ni Dra. Manalo at dumeretso na sa kanyang table.

HAPON. Hindi muna umuwi si Romano sa kanilang bahay sa Valleverde.

Dumaan muna siya sa bahay ng kanyang mga biyenan.

Kapwa niya nadatnan sina Colonel Gorosper at ang misis nito na si Loretta.

“Dad, Mom … dumaan lang ako rito para magtanong. Hindi kasi umuwi ng bahay si Charlene kagabi. Dito ba siya natulog kagabi?” tanong ni Romano.

Parang may alam na ang mag-asawa sa ginawa ng anak.

Hindi kaagad sila nakasagot at sa halip ay nagkatinginan muna. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply