MALAMIG NA LANGIT (Ika-78 labas)

NANLIIT ang pakiramdam ni Romano sa harapan ni Randy.

Napilitan na siyang magpaalam.

“I’m going home na. Napadaan lang ako rito para dalawin si Almira,” nakangiting sabi niya sa una.

“Ingat sa biyahe, pare!” sabi naman ni Randy kay Romano.

Inihatid ni Almira ang huli hanggang sa kanyang sasakyan.

Malungkot ang babae.

“Sayang at ngayon ka lang nagbalik. Kung kailan nakakompromiso na ako kay Randy. Napakabuti niyang tao. Hindi ko kayang balewalain ang pagpapahalagang iniuukol niy sa akin,” sabi ni Almira sa lalaki.

“I understand at ako na mismo ang nagsasabi na mag-stick ka sa kanya. Masuwerte ka kay Randy.
Minahal ka niya who ever you are!” nakangiti pero malungkot na sagot naman ni Romano.
Matapos ang konti pang pag-uusap ay umalis na ang huli.

Hatid siya ng kaway ni Almira.

Hindi magawang magpabilis ng takbo ni Romano …

Nanlalabo ang mga mata niya sa luha …

Nahihirapan siyang makita ang dinaraanan.

Mag-uumaga na nang makarating siya ng Maynila.

Gising na ang mag-asawang kasambahay sa bahay nila sa Valleverde.

Nagluluto na ng almusal si Aling Melinda …

Si Mang Akong ang nagbukas ng gate …

“Inumaga ka yata, iho. Saan ka ba nanggaling?” tanong ng matandang lalaki.

“Sa Dagupan po. Dinalaw ko si Almira!” pagod na tanong ni Dr. Santamaria.

Nagliwanag ang mukha ng matandang lalaki dahil sa narinig.

“Kumusta na pala siya, iho?” sabik na tanong ni Mang Akong.

“Buntis na!”

“Ngayong hiwalay na kayo ni Charlene, puwede na kayong magkatuluyan ni Almira, iho,” sabi ng matandang lalaki.

“Hindi na ho puwede!”

“B-Bakit?”

“Nakakuha na siya ng kapalit ko. Isang lalaki na nakahihigit ang katangian kaysa akin!” sagot ni Romano at umakyat na ng hagdanan.
Antok na antok na siya at pagod na pagod …

Sabik na sabik na siyang magpahinga.

Hatid siya ng tingin ni Mang Akong habang paakyat ng hagdanan.

Bagsak agad sa kama si Romano nang makapasok sa kanyang silid.

Hindi na niya nakuhang magpalit ng damit pantulog …

Nagawa niyang tanggalin ang kanyang sapatos pero hindi ang medyas.

Kaagad siyang nakatulog.

Tanghali na nang siya ay magising…

Hindi siya nagmamadaling bumangon …

Nakabakasyon pa rin si Romano.

Nang kumatok si Aling Melinda sa labas ng pintuan.

“Kumain ka muna bago magpatuloy sa pagtulog, iho. Baka malipasan ka ng gutom,” tawag ng matandang babae.

Namimigat ang katawang binuksan ni Romano ang pintuan.

“Mabuti at nagising ka na, iho,” sabi ni Aling Melinda. “May bisita ka na kanina pa naghihintay sa paggising mo.”

“S-Sige po. Bababa na ako,” sagot ng una.

Bago lumabas ng kuwarto, pumasok muna si Romano sa pribado niyang banyo.

Nagsipilyo ng ngipin at naghilamos.

Matapos ito, lumabas na siya ng kuwarto at bumaba ng hagdanan.

Nagulat siya nang makita ang naghihintay na bisita sa ibaba.

Si Colonel Gorospe.

Nagpatuloy sa pagbaba ng hagdanan na nagtatanong sa sarili si Romano.

Kung ano ang kailangan ng ama ni Charlene sa kanya. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply