Bongbong sinalo ni Chiz sa ARMM bill

KINAMPIHAN ni Sen. Francis “Chiz” Escudero si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagbabasura sa panukalang ipagpaliban ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na binuhay ng kaalyado sa Kongreso ng Palasyo.

Sa naganap na Kapihan sa Senado, sinabi ni Escudero na hindi gumamit si Marcos ng delaying tactics upang patagalin ang deliberasyon ng ARMM bill dahil pasok pa rin ito sa itinakdang panahon ng Senate Rules.

“Patunay nito ang pagsusumite kaagad ni Senator Marcos, chairman ng Senate committee on local governments, ng kanyang committee report kahit salungat sa intensiyon ng panukalang batas ni Sen. Franklin Drilon,” paliwanag ni Escudero.

Aniya, base sa Senate Rules, may 30 session days si Marcos bago matapos ang deliberasyon ng isang partikular na panukala, kaya’t makikitang hindi lumampas sa itinakdang panahon ang ginugol ng senador sa pagtalakay sa isyu.

Ipinaliwanag ni Escudero na inihain ni Drilon ang Senate Bill 2756, na siyang katapat naman ng House Bill 4146, isang araw bago magsara ang sesyon noong Marso.

“Kung tutuusin, wala pang 15 session days naisumite ni Senator Marcos ang kanyang committee report hinggil dito,” ayon kay Escudero.

“Isa itong matibay na katibayan na naging patas ang senador na muli niyang binuhay sa pamamagitan ng paghahain ng isang mosyon upang pagdebatehan ng panukala, kahit nakatakda na itong maibasura alinsunod sa alituntunin ng Senado na kapag salungat ang committee report sa intensiyon ng panukala, kaagad itong ibabasura o ilalagay sa archive,” paliwanag ng senador.

Sinisisi naman ni Escudero ang Commission on Elections (Comelec) sa mabagal na pagtugon nito sa pangangailangan ng automated election sa ARMM, kaya’t mano-manong sistema ang gagawin sa nasabing eleksyon.

Dismayado si Escudero nang marinig mismo sa bibig ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na hindi makapagsasagawa ng automated election ang ahensiya dahil kapos na ang panahon para sa preparasyon ng sistema.

Nauna nang inamin ni Brillantes sa komite na naghinay-hinay ang ahensiya sa paghahanda sa ARMM election dahil hindi sila siguradong mapagtitibay ang panukalang ipagpaliban ang halalan.

Sa ngayon, nakasalang sa plenaryo ang ARMM bill na pinagdedebatehan sa pamumuno ni Drilon matapos itong ma-archive ng anim na senador na bomoto sa mosyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply