Mas pinili ang matataba kaysa sa sexy!

GINAGAWANG isyu ang hindi pagkakatuloy ni Derek Ramsay na makatambal si Cristine Reyes sa bagong teleserye nito. Mas pinili raw ni Derek na makasama si Sharon Cuneta at ang mga matatabang contestant ng “The Biggest Loser Pinoy Edition” kesa ang seksing si Cristine.

Pero naiintindihan ni Cristine kung ano man ang rason ni Derek. Hindi na kinaya ng schedule ng actor na dalawang pelikula ang ginagawa ngayon at ‘yung ‘Biggest Loser’ nga.

“Tao lang naman siya, di niya puwedeng hatiin ang katawan niya,” sambit ni AA (palayaw ni Cristine) sa isang interbyu.

Pero happy na rin siya na makakasama pa rin niya si Derek sa isang pelikula ng Viva/Star Cinema with Anne Curtis. At least, dun ay magagamit nila ‘yung pagwo-workshop nila na dapat ay para sa serye.

Masaya rin siya na ang real boyfriend niyang si Rayver Cruz na ang leading man niya sa “Repustasyon” kahit third choice ito. Si Jake Cuenca ang napisil na ipapalit sana kay Derek pero hindi rin pumuwede.

***

ISANG iresponsableng writer na nagngangalang Anna Something ng Paparazzi ng TV5 ang may kagagawan diumano ng malisyosong balita sa Star Awards.

Isang malaking kasinungalingan ang ginawa niyang balita. Blind item na nga lang, palpak pa. Nilalagay niya sa alanganin ang kredibilidad ng kanilang show at maging ang Star Awards. Hindi man lang nag-verify samantalang linggu-linggo, may guest silang reporters.

Pangaralan nga ‘yan.

***

HINDI na mapigilan ang pag-alagwa ng Radyo Singko 92.3 News FM dahil sa pinakabagong datos ng Personalized Radio Listenership Survey (PRLS) ng Radio Research Council (RRC), umakyat agad sa ika-apat na pwesto ang radio arm ng TV5 mula sa mahigit 20 FM station sa Mega Manila.

Isinagawa ang survey sa pagitan ng Marso 25 at Abril 1 o mahigit apat na buwan pa lang mula nang magsimulang magsa-himpapawid noong Nobyembro 2010 ang 92.3 NEWS FM—ang kauna-unahang radio station sa kasaysayan na sumampa sa ika-apat na pwesto sa maikling panahon lang.

Mula Lunes hanggang Linggo, naungusan ng kauna-unahang AM on FM radio station ang 16 na FM station nang magtala ito ng 3.8% audience share sa  Metro Manila mula 6 a.m.-9 p.m. Tinatayang ang mabilis na pag-angat ng Radyo Singko ay hudyat na nakakuha ito ng mga taga-pakinig na gusto ng balita at balitaktakan sa FM.

Naniniwala naman si Luchi Cruz-Valdes, hepe ng TV5 News and Information o News5 na ang pag-angat ng Radyo Singko sa survey ay patunay lang na mas umiigting pa ang pangangailangan sa serbisyo-publiko at matatalinong programa—hindi lang sa telebisyon at tradisyonal na AM radio—kundi pati na rin sa FM.

“Unang araw pa lang ng pagsasa-himpapawid natin, ramdam agad kung gaano tinanggap ng ating mga taga-pakinig ang bagong platform na inihain natin sa kanila. Araw-araw kabahagi sila sa usapan, nakikipagpalitan ng kuro-kuro at humihingi ng payo sa ating mga programa. Ang tagumpay natin ay lalo pang mas tagumpay ng lahat ng mga nakikinig na piniling sumubaybay sa mga makabuluhang programa,” ayon pa kay Ms. Luchi na siyang co-host din ni Atty. Mel Sta. Maria sa programang “Relasyon.”

Ang mabilisang pag-akyat ng pitong-buwang-gulang na FM radio station ay iniuugnay sa malalakas na programa nito: ang Wanted sa Radyo kasama sina Raffy Tulfo at Nina Taduran (tuwing Lunes-Biyernes, 2 p.m.) at Love Idols with Ariel Villasanta and Maverick Relova (tuwing Sabado 2 p.m.).

Kung ihahambing sa lahat ng programa sa FM at AM radio sa buong linggo, naglalaro sa ikalawa at ikatlong puwesto ang Wanted sa Radyo, habang nangunguna naman ang Love Idols tuwing hapon (12 nn-6 p.m.) ng Sabado.

Ang pioneering news/talk station sa FM ay tahanan din sa mga pinakabatikan at pinagkakatiwalaang mamamahayag sa Pilipinas kabilang na sina Neil Ocampo, Martin Andanar, Aida Sy, Cheryl Cosim, Sen. Dick Gordon, Paolo Bediones, Cheri Mercado, Cristy Fermin, Jove Francisco, Laila Chikadora, Lourd De Veyra, Anthony Pangilinan at Erwin Tulfo.

Ang Radyo Singko 92.3 News FM ay kasalukuyang napapakinggan sa buong Mega Manila hanggang sa ilang parte ng Northern Luzon.

Napapanood naman sa buong bansa ang ilang programa nito sa pamamagitan ng news channel na Akayon TV at may 24/7 streaming sa online news portal na InterAksyon.com.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply