Mga baril ng Ampatuans pinaimbentaryo ng DILG

INATASAN ni Interior Secretary Jesse Robredo ngayon, Huwebes, ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng panibagong pag-imbentaryo sa may 1,500  iba’t ibang uri ng matataas na kalibre ng baril na nakumpiska ng kapulisan at militar mula sa pamilya Ampatuan noong  2009.

Ani Robredo, magmula noong  Nobyembre 23, 2009, matapos ang karumal-dumal na Maguindanao Massacre, hindi na niya napag-alaman  kung ano na ang nangyari sa imbestigasyon ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa kung saan nanggaling ang malaking bulto ng mga nasabing armas.

Inatasan ni Robredo si PNP Director-General Raul Bacalzo at hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na si Chief Supt. Samuel Pagdilao na isumite sa kanya ang mga pinakahuling ulat ukol sa naturang imbestigasyon.

Aniya, masyadong nabigyan ng atensyong ng publiko at mga kaanak ng biktima ng masaker ang mga hearing ng kaso at ang napabalitang “VIP treatment” ng mga jail guard sa mga Ampatuan at hindi na natutukan ang tungkol sa mga nakumpiskang baril.

Kailangan umanong maidokumento at maisailalim sa forensic examination ang mga kumpiskadong baril upang malaman kung alin sa mga ito ang ginamit sa masaker at kung saan nanggaling ang mga ito.

Kung magiging maayos aniya ang imbestigasyon ay madaling malalaman kung saan nanggaling ang isang baril dahil sa may mga serial number ang mga ito at kung kalian at sino ang nag-isyu nito upang mapanagot ang mga ito sa batas.

Nagtataka ang kalihim na sa kabila aniya ng isinagawang forensic examinations ng  PNP SOCO sa mga nakuhang basyo at slugs ng bala na ginamit sa pagpatay ay hindi pa rin natutukoy ang mga baril na ginamit sa nasabing maramihang pagpatay.

Ilang araw matapos ang masaker ng 32 mamamahayag, sa asawa at mga kaanak ni Maguindanao Gov. Ismael “Toto” Mangudadatu, na noo’y vice mayor ng Buluan, Maguindanao, ay nagsagawa ng mga pagsalakay ang PNP, NBI at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga safehouse at mansion ng mga Ampatuan sa Maguindanao at ibang lugar sa  Mindanao.

Nakakumpiska dito ang mga tauhan ng CIDG at NBI ng mga military-type ngunit locally assembled armored personnel carrier (APC) na may .30 caliber machine guns at isang military Humvee na pag-aari ni Datu Andal Ampatuan Sr.

Nakumpiska rin ang may 300 mortar shell at mahigit 60,000 bala ng 5.56 machine gun na nakalagay sa mga metal box na may marka ng arsenal ng DND.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply