Mga magulang ni Jan-Jan kinasuhan ng perjury

KASONG perjury ang isinampa sa Quezon City Hall of Justice ng social scientist at blogger laban sa mga magulang ng kontrobersiyal na batang si Jan-Jan Suan.

Kasama nina Ma. Lourdes “Honey” A. Carandang, Ph. D, at Froilan Grate ang kani-kanilang tagasuporta na mula sa mga non-government organization (NGO) na kinabibilangan ng Center for Family Ministries (CEFAM); Inang Naulila sa Anak (INA) Foundation; Psychological Association of the Philippines (PAP); MLAC Institute for Children and Families; Women’s Crisis Center; at Church Café.

Matatandaang naghain ng kasong libelo ang mga magulang ni Jan-Jan na sina Joe at Diana Suan laban kina Carandang, Grate at isang John L. Silva kaugnay ng pagbatikos ng mga ito sa pagma-macho dancing ni Jan-Jan sa programang “Willing Willie” sa TV 5 kung saan host si Willie Revillame.

Nagtungo ngayon, Hunyo 7, ang dalawang akusado para magsumite ng kanilang kontra-salaysay.

Kasabay nito, naghain din ng reklamong perjury si Grate laban sa mga magulang ni Jan-Jan sapagkat nagsinungaling umano ang mga ito nang sabihin nilang ang blogger ang naunang nagpakalat sa Internet ng video ng pagsasayaw ni Jan-Jan.

“May pagsisinungaling silang ginawa sa piskalya kaya dapat lamang masampahan sila ng perjury,” ayon pa sa abogado ni Grate na si Romel Bagares.

Aniya, mismong si Joe at ang kapatid nitong si Argie ang naunang naglabas sa Internet ng video ni Jan-Jan.

Pinabulaanan naman ng kampo ni Carandang ang paratang na siya ang complainant sa kasong inihain sa Movie Television Review and Classification Board (MTRCB).

Mismong si MTRCB Chairperson Grace Poe Llamanzares ang naglinaw na ang Hearing and Adjudication Committee ng MTRCB ang complainant sa kaso ng “Willing Willie” at kinuha lamang nila ang opinyon ni Carandang bilang clinical child psychologist at national social scientist kaya siya nagpadala ng liham sa naturang board.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply