Michael Ray Aquino lilikidahin – Ping

NANGANGAMBA si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na llikidahin ng grupong kriminal si dating Supt. Michael Ray Aquino sakaling makabalik ito ng bansa at maikulong sa Manila City Jail upang harapin ang kasong double murder sa pagpatay kina Salvador “Bubby” Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.

Umapela si Lacson sa Manila Regional Trial Court na idetine na lamang si Aquino sa National Bureau of Investigation (NBI) o sa alinmang detention facility, kung saan mas ligtas umano si Aquino.

“Sana ay isalang-alang ng korte ang security concerns niya dahil na rin sa naging tungkulin niya bilang alagad ng batas na nagpakulong sa napakaraming kriminal na maaaring makasalamuha niya sa loob ng piitan,” giit ng senador sa ipinadalang text message.

Sa Manila City Jail ang posibleng kabagsakan ni Aquino oras na maiuwi na ito sa Pilipinas.

Matatandaang inaprubahan ng United States Department of State ang kahilingan ng Department of Justice (DOJ) para sa extradition ni Aquino.

Ipinagbilin pa ni US Department of Justice attaché Robert Courtney III sa sulat na may petsang Hunyo 9, 2011 na ipinadala kay State Counsel Ricardo Paras III ng DOJ na kailangang wala na sa US si Aquino bago sumapit ang Hulyo 3, 2011.

Umaasa si Lacson, na nauna nang nagpawalang-sala ng Court of Appeals (CA) sa Dacer-Corbito double murder case, na mabigyan ng patas at mabilisang pagdinig si Aquino.

“Napapanahon na ring mabigyan ng day in court si Michael Ray Aquino tungo sa resolusyon ng hinaharap niyang kaso. Sana lang ay mabigyan siya ng fair and judicious trial at treatment sa pagdinig ng kaso ng kasong kinasasangkutan niya,” ani Lacson.

Si Aquino ay dating miyembro ng nabuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) sa ilalim ng pamumuno ng noon ni Lacson, na naging hepe ng Philippine National Police (PNP).

Noong 2001, lumipad patungong United States of America si Aquino, ngunit nahuli ito noong 2005 dahil sa overstaying dulot ng napasong visa.

Naglaon ay natuklasan ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang pagkakasangkot nito sa pang-eespiya sa Estados Unidos.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply