Miscellaneous fees, rerendahan ng CHED

TINIYAK ng Commission on Higher Education (CHED) na rerendahan ng ahensiya ang walang patumanggang pagtaas at paniningil ng miscellaneous fees sa lahat ng pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa.

Ganito ang pangako ni CHED Executive Director Julito Vitriolo matapos ipatawag ng Senate committee on education, culture and the arts upang mapagliwanag sa reklamo ng magulang at estudyante sa pagtaas ng miscellaneous fees.

Inimbestigahan ng komite ang isyu alinsunod sa resolusyon ni Sen. Manny Villar hinggil sa mga hidden charges na ipinapataw ng pribadong paaralan sa kanilang estudyante kapalit ng promo na “no tuition fee hike.”

“Under sa binabalangkas na regulasyon o framework, siguro magkakaroon ng proseso ng monitoring at saka reporting para makita natin, mapag-aralan kung legitimate ba ang fees na ito,” paliwanag ni Vitriolo,

Sa binabalangkas nitong regulasyon, sampung item na lamang ang maituturing na miscellaneous fees kabilang ang registration, medical and dental, athletic fees, library fee at iba pa.

Isa sa ikokonsulta nila kung papayagan nilang ikarga sa singilin sa mga estudyante ang ‘aircon fee’ para sa mga paaralan na may air-conditioned classrooms habang ang ibang miscellaneous fee na wala namang kinalaman sa pag-aaral ng estudyante na kanilang ipatatanggal matapos ang konsultasyon sa mga magulang, estudyante at paaralan.

“Sana no bizarre and exotic sounding fees na,” hirit ni committee chairman Sen. Edgardo Angara kay Vitriolo.

Kinumpirma naman nina Kabataan Rep. Raymond Palatino, National Union of Students of the Philippines (NUSP) national president Einstein Recedes at Ranulfo Javelosa III, vice-chairman ng Student Council Alliance of the Philippines (SCAP), ang reklamo ni Villar hinggil sa pagtaas ng miscellaneous fees sa mga eskuwelahan sa bansa.

Ayon kay Javelosa, isang kolehiyo sa Iligan City ang naniningil ng miscellaneous fees na umaabot sa P14,661.85 subalit ang tution fee ay nasa P 13,944.70.

“This school is a particular case that miscellaneous fees are more expensive than tuition fees themselves,”paliwanag ni Javelosa.

Ilan sa sinisingil ng kolehiyong ito sa Iligan City ay ‘spiritual development fee’, publicity and promotions fee, affiliation fee at CHED cultural fee.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply