MTRCB ipinarerepaso ng isang kongresista

IPINAREREPASO na ng isang kongresista ang gampanin ng  Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) upang mapalawak pa ang kapangyarihan nito kung kinakailangan.

Nakapaloob sa House Bill 4696 ni Bulacan Rep. Linabelle Ruth Villarica na 1986 pa nalikha ang MTRCB sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Nais ni Villarica na mapigilan ang pananamantala sa teknolohiya gamit ang mga patalastas sa telebisyon at iba pang palabas.

Dapat aniyang mapalitan at mapalawak pa ang kasalukuyang organizational structure gayundin ang kapangyarihan ng MTRCB, at pagbabago sa board upang epektibong maipatupad ang tungkulin at matugunan ang mga isyu.

Sa pamamagitan ng HB 4696 ay maaamyendahan ang Presidential Decree 1986 na nagtatatag sa MTRCB noong Oktubre 5,1985 at upang hatiin at maipatupad ang policy formulation council, review council at adjudication council.

Batay sa panukala, ang policy formulation council ay bubuuin ng Chairman ng  Senate Committee on Youth and Women and Family Relations at ng  House Committee on Women and Gender Equality na otomatikong magiging miyembro ng MTRCB board.

Magkakaroon din ng tatlong miyembro mula sa Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Ang review council ay bubuuin ng 30 miyembro mula sa television cable industry, video motion picture industry, cinema industry, advertising industry, youth at religious sectors.

Sa ilalim ng panukala, maaaring mag-isyu ang MTRCB ng subpoena ad testificandum at subpoena duces tecum upang ipatawag ang isang tao upang dumalo sa isang imbestigasyon o inquiry ng MTRCB.

Ang naturang hakbang ay upang mapigilan ang talamak na pananamantala sa teknolohiya upang mabilis na kumita sa pamamagitan ng mga kababaihan na kanilang ipinalalabas sa mga patalastas sa television programs at shows.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply