NBP officials kakasuhan dahil sa Leviste incident

KAKASUHAN ng administratibo ang ilang opisyal ng New Bilibid Prisons (NBP) hinggil sa nadiskubreng iligal na paglalabas-masok ni dating Gov. Antonio Leviste ng kulungan.

Ito ay nabatid sa inilabas na ulat ng Department of Justice (DOJ) base sa imbestigasyon ng fact finding committee hinggil sa nasabing insidente.

Batay sa 36-pahinang ulat ng komite, anim ang inirekomendang ipagharap ng reklamong administratibo habang isa namang kawani ng NBP ang inirekomendang ipagharap ng kasong kriminal.

Kabilang sa mga sasampahan ng kasong administratibo dahil sa umano’y misconduct, neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service ay ang mga sumusunod:

  1. Chief Supt. Armando Miranda, dating NBP superintendent na umano’y responsable sa pagpapalipat kay Leviste sa Agro Section na may sleep out privilege;
  2. Chief Supt. Ramon Reyes, kasalukuyang NBP superintendent, dahil sa nabigo itong kanselahin ang sleep out privilege ni Leviste sa kabila ng mga nauna nang ulat na nakalalabas ito ng Bilibid;
  3. Chief Dante Cruz, dating hepe ng Minimum Security Compound, ang nag-apruba para ma-exempt si Leviste sa headcount;
  4. Chief Roberto Rabo, hepe ng Minimum Security Compound, dahil nabigo itong gumawa ng aksyon nang malaman niya na lumalabag si Leviste sa ilang mga patakaran sa Bilibid Compound;
  5. Prison Guard Fortunato Justo, ang custodial guard ni Leviste.

Bukod sa kasong administratibo, pinasasampahan din ng panel ng reklamong kriminal si Justo partikular na ng kasong infidelity in the custody of prisoner.

Inirekomenda rin ng panel na mapatawan ang mga nabanggit na opisyal ng preventive suspension.

Sa kaso naman ng nagbitiw na si Bureau of Corrections (BuCor) Director Ernesto Diokno, ipinauubaya na ng panel sa Pangulo kung siya ba ay dapat na masampahan ng reklamo dahil sa posibleng neglect of duty o pagpapabaya sa tungkulin.

Pero sa walong-pahinang cover-letter ni Justice Secretary Leila de Lima, tinukoy niya na nabigo si Diokno na gumawa ng kaukulang hakbang sa kabila ng mga ulat na noon pa man ay nakalalabas na ng NBP si Leviste.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply