Oil deregulation law, EPIRA buwagin na lang

WALA nang silbi ang Electric Power Industry Reform Act at ang Oil Deregulation Law. Sapagkat baligtad ang nagaganap kaugnay ng presyo ng kuryente at langis sa bansa.

Noong ipinasa ang nasabing dalawang batas, ipinangangako at ipinagmamalaki ng pamahalaan ang pagbaba ng presyo ng kuryente at langis. Ngayon, napatutunayang higit na nagmahal ang mga ito kaysa nagmura.

Ano ang nangyari at bumaligtad at sumirko ang pangako?

Nagbubunga tuloy ito ng paghihirap ng mamamayan. Ang mga negosyante, maliit o malaki, ay nabibigatan na rin.

Pero higit na nagiging biktima ang mga maliliit at nadadamay na rin ang mga mangingisda at magsasaka sa paggamit ng mga ito ng mekanisasyon. Sa hanay ng mga mangingisda at magsasaka, mabilis na nauubos ang mga kalabaw at sagwan at pinalitan ang mga ito ng generator na matakaw sa napakamahal na langis.

oOo

Kung kakalkalin ang problema, ang pagpapahawak sa mga ganid na negosyante ng mga industriya ng kuryente at langis.

Higit na interesado ang mga ito sa tubo na pambawi sa kanilang mga puhunan at pagbubulsa at pag-uuwi (sa bahagi ng mga dayuhan) ng kanilang naglalakihang tubo.

Kitang-kita, Suki, ang napakalalaking kita ng mga negosyante sa kuryente at langis sa pagiging miyembro ng top 10-500 corporation sa bansa sa rekord ng Securities and exchange commission.
Walang pablik-pablik serbis sa mga ito.

Maliwanag na maliwanag na nagaganap ito at hindi natin alam kung bulag o nagbubulag-bulagan ang mga onorabol sa katotohanang ito. Paano kaya kung buwagin ang EPIRA at ODL at hawakan ng pamahalaan ang mga industriyang ito para matiyak ang pablik serbis sa pagnenegosyo?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply