Online tech-voc training ilulunsad ng TESDA

ISUSULONG ng  Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na maisagawa ang technical vocational training sa buong bansa gamit ang internet.

 Ayon kay TESDA Director-General Joel  Villanueva, nalalapit na ang paglulunsad ng online tech-voc training na mag-aalok ng iba’t-ibang kurso.

“Mas magiging madali ang technical vocation education, lalo na sa overseas Filipino workers (OFWs), na malinang pa ang kanilang kakahayan, talento at husay kung maisasagawa ito sa internet,” ani Villanueva.

Sakaling matapos na ang mga pasilidad, maaaring manatili sa mismong training centers o mag-online ang mga estudyante sa Training Institutes ng TESDA.

May dalawang scholarship programs ang TESDA – ang Training for Work Scholarship Program (TWSP) at ang Private Education Student Fund Assistance (PESFA) program.

Sa nalalapit na pagbubukas ng klase, sinabi ni Villanueva na magiging epektibong alternatibo ng mga tao ang technical vocational training na inaalok ng ahensiya.

Iginiit pa ng TESDA director general na paiigtingin ng TESDA ang makabuluhan, mura ngunit de kalidad na edukasyon na mas medaling ma-access at mayroong mataas na antas ng employability.

 “Batid namin ang mahal na edukasyon.  Ngunit, hindi ito dapat maging balakid sa ating mga mag-aaral na pursigihin ang ang anomang karera. Nandito ang technicalvocational education para linangin ang kakayahan at talento ng mga estudyante na magiging bahagi ng workforce ng bansa sa hinaharap,” anang pinuno ng TESDA.

Tinukoy pa ni Villanueva na maaring makinabang ang mga mag-aaral sa community-based, enterprise-based o Dual Training System ng TESDA na kombinasyon ng pag-aaral sa eskuwelahan at kompanya.

“Nais nating bigyan ang mga tao ng mas maraming pagpipilian sa kanilang edukasyon,” dagdag nito.

Tiniyak ni Villanueva na patuloy na itataguyod ng kanyang ahensiya ang mga reporma upang lalong makatugon ang technical vocational training curriculum sa mga hamon ng panahon na magreresulta sa agarang pagkakatanggap sa trabaho ng kanilang mga produkto. Linda Bohol

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply