Operasyon sa pagpupuslit ng Indian sa Pinas nalantad

UNTI-UNTI nang lumulutang ang mga impormasyon hinggil sa operasyon ng human smuggling ng mga Indian national sa bansa batay na rin sa isinagawang imbestigasyon ng pahayagang Remate.

Sa mga nakalap na impormasyon, sangkot umano sa pagpupuslit ng mga dayuhan mula sa bansang India ang mag-asawang Shinderpal Kaur at Lakhvir Singh.

Nahuli ang mag-asawa ng mga opertatiba ng Bureau of Immigration noong Martes, Hunyo 7, sa tinutuluyang tahanan ng mga ito sa Antipolo City.

Nabisto ito makaraang matuklasan na peke ang ginamit na Philippine visa ni Shinderpal batay na rin sa sertipikasyong ibinigay ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa kawanihan noong Hunyo 3.

Nagbunyi rin ang mga opisyal at empleyado ng kawanihan sa pagkakahuli sa mag-asawang dayuhan.

Ayon sa mga beteranong empleyado ng kawanihan, kilala si Singh o mas kilala sa tawag na “Lucky” na pinuno ng sindikato na nagpupuslit ng mga Indian national sa bansa.

Anila, si Singh ay may hawak na temporary resident visa dahil nagpakasal ito sa isang Pilipina bagama’t legal pa ang pagpapakasal kay Shinderpal.

Sinabi pa ng isang empleyado na nakatalaga sa Immigration Regulation Division (IRD), madalas umanong gamitin si Singh bilang personalidad na pupuntahan sa Pilipinas ng mga kababayan nito mula sa India.

Pinakahuling gumamit sa pangalan ni Singh bilang contact person sa Pilipinas ay si Shinderpal Kaur na dumating sa bansa noong Abril 21 mula Malaysia.

Sa kanyang idineklarang impormasyon sa arrival card, sinabi ni Shinderpal na pansamantala siyang maninirahan sa bahay ni Singh sa Antipolo City.

Gayunpaman, napag-alaman na hindi pala kaibigan, kundi asawa ni Shinderpal si Singh matapos umamin ang mga ito sa isinagawang imbestigasyon sa kanila ng mga operatiba ng kawanihan.

Sa isinagawang imbestigasyon, si Singh umano ang nag-aasikaso ng mga papeles na gagamitin ng mga kababayan nito sa pagpasok sa Pilipinas. Kabilang na rito ang gagamiting pekeng Philippine visa na pirmado pa ng mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa India.

Ayon pa sa mga beteranong intelligence agent, P200,000 hanggang P250,000 ang ibinabayad umano ng mga Indian national sa grupo ni Singh upang maging “legal” ang kanilang pagpasok sa bansa.

Sa Malaysia umano unang magtutungo ang mga dayuhan mula sa India at dito ibibigay ng grupo ni Singh ang mga pekeng dokumento na gagamitin sa  pagpasok sa Pilipinas.

“Pagdating sa airport, may kakutsaba na silang immigration officer na siya naman ang magtatatak sa pasaporte ng dayuhan upang makapasok ito sa Pilipinas,” dagdag pa ng isang intelligence officer na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport at tumangging pangalangan dahil hindi naman ito awtorisadong magsalita hinggil sa usapin.

Tumanggi rin ang naturang opisyal na pangalanan kung sino ang tiwaling immigration officer na kasabwat ng sindikato sa pambansang paliparan.

Napag-alaman din na ang grupo rin ni Singh ang nagtutungo sa tanggapan ng alien registration division (ARD) ng kawanihan upang i-pa-renew ang kanilang mga bisa na magpapatunay na legal ang kanilang pansamantalang panunuluyan sa bansa.

Ang grupo rin ni Singh umano ang naglalakad para makakuha ng temporary resident visa (TRV) ang mga kababayan nito sa Pilipinas gamit ang pekeng pagpapakasal sa isang Pilipina.

Ayon pa sa impormasyon, karamihan sa mga naipasok na dayuhan sa Pilipinas ng grupo ni Singh ay sangkot sa malawakang pagbibigay ng pautang o kung tawagin ay “5-6.”

Naungkat ang operasyon ng grupo ni Singh sa human smuggling matapos na ipuslit ng mga ito sa bansa ang kanyang tunay na asawa at isang nagngangalang Jaspal noong Abril 21.

Sa naganap na pagpasok sa bansa nina Shinerpal at Jaspal, nagkaroon ng kalituhan sa hanay ng BI-Travel Control at Enforcement Unit (TCEU) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 kung sino sa mga umano’y malalapit na tauhan ni Immigration Commissioner Ricardo David ang susundin.

Sa impormasyong nakalap ng pahayagang Remate, ipinag-utos umano ni Atty. Anthony Bautista, isang malapit na tauhan umano ni David sa mga taga-TCEU na papasukin sa bansa ang mga dayuhan, habang taliwas naman ito sa kautusan umano ng isang nagngangalang retired Gen. Lino Calingasan na umano’y chief of staff ni David.

Ipinag-utos umano ni Bautista sa mga taga TCEU na pakawalan at papasukin sa bansa ang dalawang dayuhan.     Taliwas naman ito sa naging utos ni Calingasan na nagsabing pabalikin sa Malaysia ang mga dayuhan at isailalim sa ‘exclusion proceedings.’

Dahil sa magkakasalunggat na mensahe, napilitan si David na magpalabas ng direktiba na nag-aatas sa lahat ng immigration officer sa mga pambansang paliparan na walang ipatutupad na “waiver of exclusion” kahit na may isang awtorisadong kinatawan nito ang tumawag sa paliparan upang papasukin ang isang pasahero. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply