Opisina ng vice mayor ng Caloocan nilooban

NILOOBAN at tinangayan ng mahahalagang dokumento ang tanggapn ni Caloocan City Vice Mayor Edgar “Egay” Erice sa loob ng Caloocan City Hall ng mga di pa nakikilalang kalalakihan Miyerkules ng umaga sa nasabing lungsod.

Base sa salaysay ni Marissa dela Cruz, utility staff ni Erice, 8:30 ng umaga nang madiskubre niyang nawawala ang ilang mahahalagang dokumento sa loob ng tanggapan ng bise-alkalde.

Kabilang sa mga papeles na tinangay ay 2,000 kopya ng isang bukas na liham ni Erice, na ipamimigay sana para sa mga barangay tungkol sa P167,000 badyet para sa seminar na gaganapin sa Leisure Coast Resort Bonuan, Binloc, Dagupan City.

Nakasaad rin sa liham ng bise alkalde na hindi ito sang-ayon sa pagpapalabas ng naturang badyet na magmumula sa Barangay Business Tax Share, sa dahilang walang karapatan ang Sangguniang Panglungsod na panghimasukan ito.

Bukod pa rito, walang implementing rules and regulation sa pag-release ng Business Tax Share ng barangay na kanyang tinalakay noong June 7, 2011 sa naganap na regular na session.

Sinabi pa ni Dela Cruz, nagulat na lamang siya nang pumasok sa loob ng tanggapan ni Erice at kanyang napansin na hindi angkop ang pagkakasara ng pinto at nang kukunin na sana niya ang apat na rim na naglalaman ng liham sa ibabaw ng mesa ni Atty. Jonie Gonzales, isa sa mga staff ni Erice ay nawawala na rin.

Dahil dito, agad na ipinagbigay-alam ang nasabing insidente sa pulisya.

Agad ding tinungo nila ang tanggapan ng Information Technnology Office ng lungsod, ang may hawak sa mga CCTVs, ngunit tumanggi ang mga itong magbigay ng kanilang panig at sinabing ang tanging hawak lamang nila na CCTVs ay harap ng city hall at hindi sakop ang tanggapan ng Sangguniang Panglungsod kung saan naroon ang opisina ni Erice.

Sinabi naman ng bise-alklade, ipinauubaya na lamang niya sa mga awtoridad ang imbestigasyon.

“Kahit mismo ako hindi ko malaman kung bakit ito ginagawa, sa kabila ng gusto ko lamang magtrabaho ng malinis at hindi niloloko ang mga taga-Caloocan, ewan ko na nga ba, parang hindi na ata ako rito pag-oopisinahin dahil ultimong parking space ay wala man lamang maparkingan,” dagdag pa ni Erice.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply