Oposisyon pumalag sa panghaharang ng Palasyo

KINONDENA ng oposisyon ang panghaharang ng Malakanyang sa imbestigasyon na gagawin ng Kamara kaugnay ng resolusyon na inihain nila kaugnay sa imbestigasyon ng mga kalihim ni Pangulong Aquino na nasasangkot diumano sa mga katiwalian.

Sa programang Unang Hirit (GMA-7), tahasang sinabi ni House Asst. Minority Leader Mitos Magsaysay na pinakikiramdaman ngayon ng Minorya kung papayagan ni House Speaker Feliciano Belmonte ang kagustuhan ng administrasyon na ibasura ang resolusyon ng oposisyon.

Kabilang sa mga pinaiimbestigahan ng Minorya ay si Finance Secretary Cesar Purisima, DILG Undersecretary Puno at Executive Secretary Paquito Ochoa.

“Nagtataka lang kami kung bakit kapag alyado ng Pangulo ay abswelto kaagad pero kapag kalaban ng Pangulo ay kinakasuhan.”

Sinopla rin ni Magsaysay si Press Secretary Lacierda sa pagsasabing walang dapat ikatakot ang administrasyon sa gagawing imbestigasyon kung wala naman itong dapat itago kagaya ng sinabi nito nang sampahan ng kasong tax evasion si Ang Galing Pinoy Rep. Mikey Arroyo.

“Ganoon din ang sasabihin ko sa administrasyong Aquino na kung wala po kayong kinatatakutan, wala naman po kayong itinatago bakit ayaw ninyong dinggin ang imbestigasyon.”

Giit pa ni Magsaysay na mas malala pa ang adminsitrasyong ito kumpara sa administrasyong Arroyo na bagama’t naglabas ng Executive Order 4614 o ang paghingi ng pahintulot sa mga kalihim bago dumalo sa mga Congressional inquiry ay hindi naman aniya pinigilan ng dating Pangulo ang karapatan ng Kongreso na mag-imbestiga.

“Mas grabe pa nga ang nangyayari ngayon kasi noon kahit may EO 4614 ay tuloy ang imbestigasyon ng Kongreso pero ngayon ang gusto nilang mangyari ay huwag ng magkaroon ng hearing kung baga pigilan na sa umpisa pa lang. Parang sinasaklawan na ng Office of the President ang karapatan ng Kongreso na magkaroon at duminig ng resolusyon at imbestigasyon.” Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply