P16B utang ng gobyerno sa mga retiradong sundalo

UMAABOT sa P16 bilyon ang utang ng gobyerno sa pensyon at benefits ng mga retiradong  sundalo ng bansa.

Ito ang dahilan ng magkapatid na sina  Reps. Rufus Rodriguez (2nd District, Cagayan de Oro City) at Maximo Rodriguez, Jr. (Abante Mindanao) sa  pagtulak  ng kanilang House Resolution 1158 na naglalayong imbestigahan ng  House Committee on Veterans Affairs  para magkaroon ng opsyon  sa ikalulutas ng problemang ito.

“There is a need to look into the finances of the government and find possible sources of additional funding to pay the retirement and pension benefits of retired soldiers in the country,”  ani Rodriguez.

Sinabi ni Rodriguez na nagiging  problema na ang pagpopondo  para  sa  pensyon   simula noong  taong 2006 nang itigil ang Armed Forces Philippine-Retirement and Separation Benefits System (AFP-RSBS) dahil sa mga  irregularidad.

Mula aniya sa  report ni Col. Rolando Jungco, Chief of the AFP Pension and Gratuity Management Center, lumubo  ang pangangailangan ng pondo para  sa retirement benefits ng mga  sundalo sa P16 billion dahil sa may 4,000 hanggang 5,000 ang nagreretirong sundalo  sa  bawat  taon.

Ang nasabing pensyon ng mga  sundalo ay nakasaad  sa Presidential Decree 361 sa ilalim ng AFP-RSBS mula sa kanilang  kontribusyon  na  apat na porsiyento ng kanilang  buwanang  sahod pati ang interest rate nitong apat na porsiyento ng kabuuang  kontribusyon.

Ayon kay Rodriguez, nagsimula ang irregularidad sa AFP-RSBS nang ginamit ang pondo nito  sa real estate projects at loans.

Hindi aniya makatwiran na sa kabila ng pagbibigay serbisyo at  pagsakrispisyo  ng  buhay ng  mga sundalo  ay hindi pa  sila makakatanggap ng kanilang benepisyo at  pensyon sa kanilang pagretiro.

Iginiit  ni Rodriguez  na ipatawag sa gaganaping imbestigasyon ang mga kinauukulan   sa  DND, AFP  at ilang  entities at corporations para  magpaliwanag sa nasabing isyu. Beth Aragon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply