P280 bawat araw ayuda sa biktima ng fishkill

NAGPAKAWALA na ng P8 milyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang ayudang pinansyal ng pamahalaan sa 2,860 apektadong mangingisda sa malawakang fishkills na naganap sa mga bayan ng Anda at Bolinao sa Pangasinan.

Sa ulat na isinumite ni DSWD Secretary Dinky Soliman kay Pangulong Benigno S. Aquino III, makatatanggap ng P280 kada araw sa loob ng sampung araw ang mga mangingisda bilang bahagi ng programang cash-for-work  ng administrasyong Aquino sa mga mangingisda na nawalan ng pagkakakitaan dahil sa fishkill na tumama sa mga naturang bayan.

Ayon sa talaan ng DSWD, ang P8 milyon na pondo ay ipinalabas na noong Hunyo 6, 2011 para sa Region 1 para sa mga mangingisda na tutulong sa maayos na paglilibing sa tone-toneladang patay na isda, paglilinis ng baybayin at pagsasaayos at pag-aalis ng mga ilegal na baklad.

“The DSWD National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) project showed that there are 2,860 affected fishermen from Anda and Bolinao, Pangasinan. They will be receiving P280.00 each per day for ten (10) days of community work or service such as sanitary disposal or burying of dead fish, coastal clean-up and repair of fish cages and related structures,” paliwanag ni Soliman.

Idinagdag pa ni Soliman na para sa mga tinamaan ng fishkill sa Region 4, partikular na sa bayan ng Talisay sa Batangas ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) upang alamin kung ano ang kagyat na tulong na maibibigay ng gobyerno sa mga naluging mangingisda.

Ayon pa sa kalihim, kasalukuyang ipinatutupad ng kanilang kagawaran ang programang Rice Subsidy for Small-Scale Farmers and Fisherfolks sa naturang bayan upang bahagyang mabigyan ng tulong na maibsan ang epekto ng patuloy na paglobo ng presyo ng krudo at mga pangunahing bilihin sa merkado.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply