P320-B target ng Customs ngayong taon

INAASAM ng Bureau of Customs ang P320 bilyong koleksyon sa mga buwis na kanilang kinukuha sa mga pumapasok at lumalabas na kargamento ngayong taon.

Tinatayang ang halagang nabanggit ay 14 porsyentong mas mataas kaysa sa koleksyon noong 2010 na P280 bilyon.

Sinabi ni Customs Commissioner Angelito Alvarez na palalawigin pa nila ang mahigpit na pagpapatupad sa pagpataw ng buwis mula sa iba’t ibang mga mangangalakal importer man o exporter. Dagdag pa rito ay hihigpitan din ang mga daungan sa mga probinsya na nagiging palabigasan ng ilang smugglers at ilang tiwaling kawani ng ahensya.

Ayon din kay Alvarez na ang key officials o mga matataas na opisyal ng Customs ay regular na babalasahin kada ika-dalawang taon ng kanilang termino upang maiwasan ang pagiging pamilyar sa mga smugglers.

Ang nasabing estratehiya sa pagbabalasa sa mga matataas na opisyal ng Customs ay hango sa Bureau of Internal Revenue na kung saan ay nagpapalit ng mga pwesto ang mga matataas na opisyal kada-dalawang taon ng panunungkulan.

Nauna pa rito ay inilipat na ni Alvarez si Port Limay collector Federico Bulanhagui sa Sub-port of Mariveles kapalit ni Elvira Cruz na nalipat naman sa Office of the Commissioner (Ocom).

Samantala si Davao port acting chief Halleck Valdez naman ay itinalaga bilang deputy collector assessment kapalit ni Macabanug Mandangan na inilapat din sa Ocom. Si PoM Informal Entry assistant chief Raymund Linsangan ay nilagay sa pwestong assistant chief for Liquidation and Billing Division.

Masusing pinag-aaralan pa nang husto ni Alvarez ang ilang mga opisyal na kanya rin namang ililipat sa iba’t ibang pwesto at dibisyon sa hanay ng Bureau of Customs.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply