P7M pininsala ng baha sa Maguindanao

UMABOT na sa P7.2 milyon ang halaga ng mga pananim – kabilang ang mga mais, palay at gulay- na sinira ng pagbaha sa Maguindanao.

Kabilang sa labis na naapektuhan ay ang 710 ektarya ng mais, 130 ektarya ng palay at 36 na ektarya ng gulay na wala ng tsansang mapakinabangan pa.

Libu-libong pamilya ngayon ang nagsilikas sa bayan ng Pagalungan at Datu Montawal, Maguindanao, na isinailalim na sa state of calamity.

Bukod sa mga pananim ay sinalanta rin ng baha ang mga alagang hayop at mga kagamitan ng mga residente.

Ayon kay Daud Lagasi, Maguindanao provincial agricultural officer, hindi lamang baha ang sumira sa mga pananim dahil hinagupit din ng buhawi ang mga bayan ng Pagalungan at Datu Abdulla Sangki, na pawang malalapit sa Maguindanao marshland.

Sa ngayon ay nasa 875 na ektarya ng mga pamanim na ang nasira sa pag-apaw ng Allah River sa Datu Abdulla Sangki at Malitubog-Maridagao River naman sa Pagalungan.

Nasa 700 din na mga magsasaka ang apektado sa nasabing pagbaha.

Nagtutulungan ang mga lokal opisyal, sa pangunguna ni Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangundadatu at ARMM acting Gov. Ansaruddin Alonto Adiong, militar at pulisya sa pagliligtas ng mga sibilyang naipit sa baha.

Nagbibigay sila ng mga pagkain, damit at gamot sa mga evacuees.

Inatasan na ni Gov. Emmylou “Lala” Talinio Mendoza ang mga lokal opisyal na tutukan at asikasuhin kaagad ang pangangailangan ng mga residente na apektado sa naturang kalamidad

Dagdag pa ng opisyal, posibleng tataas pa ang halaga ng nasabing pinsala sa pagdating ng mga pinakahuling report ng mga agriculture officer mula sa iba pang bayang binaha. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply