Pag-abswelto sa suspek sa pagpatay kay Ortega kinondena ng CBCP

BINATIKOS ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pag-abswelto ng Department of Justice (DOJ) sa mga pangunahing suspek sa kaso ng pagpaslang sa anti-mining broadcaster na si Gerry Ortega.

Ayon kay Puerto Princesa Bishop Pedro Arigo, chairman ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (ECPPC) ng CBCP, tutol sila sa naturang DOJ ruling at nagbanta na magdaraos sila ng kilos-protesta laban dito.

Kasabay nito, umapela ng tulong si Arigo, sa komunidad upang magpaabot ng mensahe sa DOJ.

“The whole Palawan will shout against it! We are definitely going to hold a protest anytime soon,” ayon pa kay Arigo. “That’s really a big blow to the family (Ortega).”

“What kind of justice system do we have? That decision is really a big miscarriage of justice,” dagdag pa niya.

Reaksiyon ito ni Arigo sa 21-pahinang resolusyon ng DOJ na nagsabing walang ebidensiya na nagsasangkot kay dating Palawan Governor Joel Reyes, na itinuturong mastermind, at iba pang akusado sa krimen, sanhi upang ipawalang-sala ito.

Mariin din namang kinondena ng pamilya Ortega ang naturang desisyon, at tiniyak na iaapela nila ito.

Maliban kay Joel Reyes, pinawalang-sala rin ng DOJ ang mga respondent na sina dating Marinduque Gov. Jose Carreon; dating Palawan provincial administrator Romeo Serratubias; Coron, Palawan Mayor Mario Reyes, at mga suspek na sina Arturo Regalado at Percival Lecias.

Sa kabila naman nito, inirekomenda ng DOJ na sampahan ng kasong murder sina Rodolfo Edrad Jr., dating close-in security aide nina Joel Reyes at Carreon; at mga suspek na sina Armando Noel, Dennis Aranas, at Arwin Arandia.

Matatandaang si Ortega, kilalang kritiko ng mga mining operator at mga mining supporter sa kanyang radio program na ‘Ramatak’, ay binaril at napatay noong Enero 24 sa loob ng isang ukay-ukay store sa Puerto Princesa.  Naaresto naman ang gunman sa krimen.

Bago napatay, isinusulong umano ni Ortega ang proyektong “Save Palawan Movement” na nangangalap ng may 10 milyong lagda para sa pag-apruba sa total mining ban sa Palawan.

Naniniwala naman si Arigo na ang pagpatay sa brodkaster ay may kinalaman sa kanyang anti-mining advocacy.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply