Pag-download ng kanta sa internet hihigpitan

MAHIGPIT nang ipagbabawal ng isang panukalang batas ang pag-download ng anumang uri ng kanta, video, pelikula at kauri sa internet sakaling tuluyan nang maisabatas ang Senate Bill No. 2842 na naglalayong amyendahan ang Intellectual Property Code of the Philippines.

Inihayag ito ni Sen. Manny Villar matapos ihain sa plenaryo ang committee report na siyang magpapalakas sa proteksiyon ng intellectual property rights na nauna nang pinagtibay sa committee level.

Bukod dito, nilikha din ng Senado ang Bureau of Copyright sa ilalim ng Intellectual Property Rights Office of the Philippines (IPROP) upang palakasin ang proteksiyon sa copyright o karapatang-sipi sa sinuman tulad ng kanta, video o panulat at kauring larangan.

Sinabi ni Villar na aamyendahan ang IP Code upang palakasin ang kampanya ng pamahalaan sa proteksiyon ng intellectual property rights partikular ang programa laban sa iligal na pag-download ng kanta sa pamamagitan ng internet.

Sa paglikha naman ng Bureau of Copyright, naniniwala si Villar na matutugunan ng tanggapan ang palagian nang problema sa copyright na hinahawakan lamang sa pamamagitan ng ad hoc committee kaya’t hindi mahusay at mahirap tugunan ang mga isyu.

“This addresses the need for one group to handle copyright matters. The public needs a government agency it can rely on to respond to its copyright concerns,” ayon kay Villar.

Pangunahin sa tungkulin ng Bureau of Copyright ang pagreresolba sa sigalot na may relasyon sa termino ng lisensiya na kinasasangkutan ng karapatan ng awtor para sa public performance o anumang uri ng komunikasyon sa kanyang ginawa.

Nakasaad din sa panukala na dapat tumupad ang bansa sa World Intellectual Property Organization Internet Treaties na kung saan inilagay ang ‘technological measure at rights management information upang maiwasan baluktutin ng publiko ang pamamaraan sa pagkuha ng anumang uri ng gawa na may karapatang-sipi.

Pinalawak din ng panukala ang kapangyarihan ng Customs Commission sa mga materyales na sasakupin ang mga inangkat na protected materials kabilang ang iluluwas na materyales.

Lumawak din ang karapatan ng mga producer ng sound recording upang isama ang awtoridad na magkaroon ng permiso o ipagbawal ang public access dito. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply