Pagbabago pumapatay

HABANG isinusulong ni PNoy ang sinasabi niyang pagbabago, kasabay nito ang pamamaslang sa mga batang media.

Ang pagbabago kasi sa punto de bista ni PNoy ay pagkalkal sa mga kabulukan ng maraming opisyal ng pamahalaan, pagdedemanda at pagkukulong na rin sa mga ito.

Sa kagustuhan naman ng mediamen na makasagap ng balita ukol sa kilos ni PNoy at ilabas ang mga ito sa diaryo, radyo at telebisyon, pinag-iinitan sila.

Tanggapin man natin o hindi, ito ang maliwanag na epekto ng sinasabi ni PNoy na pagbabago o tuwid na daan.

oOo

Sa bawat bukas ng bunganga ng isang brodkaster ukol sa mga nadidiskubreng kalokohan o korapsyon ng mga opisyal ng pamahalaan, nakataya kaagad ang kanyang buhay. Ganito rin ang nagaganap sa mga manunulat sa mga diaryo.

Masahol pa sa pagiging balat sibuyas ang mga onorabol na korap sa pagkalantad ng kanilang mga pangalan sa diaryo, radyo at telebisyon.

Ang mga batang media ang pinag-iinitan ng mga ito at rason nilang napahihiya sila sa tao at, higit pa, nawawalan sila ng raket.

Kaya nag-uutak pulbura ang mga ito laban sa mediamen. Hindi naiisip ng mga ito na tinutupad lang ng mediamen ang kanilang tungkulin na tagapagbalita…at tagabatikos na rin kung kinakailangan.

oOo

O PNoy, dapat na alam mong mitsa ng kamatayan ng mediamen ang napasimulan mong “pagbabago.”

Ano-ano ang pupuwede mong maitulong upang hindi naman maubos ang aming tribu sa tingga, huh?

Hindi ka nila kayang banggain dahil nasa Malakanyang ka lang na pinalilibutan ng PSG at tanging ang mediamen na walang kalaban-laban ang nagsasakripisyo.

Nasaan ang proteksyon sa mediamen?

Sagooot?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply