Pagbibitiw ni Diokno ikinatuwa ng CBCP

IKINATUWA ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang kusang pagre-resign sa puwesto ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Ernesto Diokno.

Ayon kay Rodolfo Diamante, executive secretary ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (ECPPC) ng CBCP, ang desisyon ni Diokno na boluntaryong pagbaba sa puwesto ay isang hakbang upang masolusyunan ang mga seryosong isyu sa New Bilibid Prisons (NBP).

Kasabay nito, nanawagan rin naman si Diamante sa pamahalaan na isulong na ang reporma sa national penitentiary.

Gayunman, iginiit nito na ang reporma ay hindi dapat limitado lamang sa ‘leadership’ o pamunuan ng correctional facilities, kundi maging sa buong sistema.

Suhestiyon pa ni Diamante, dapat na magtatag ng isang independent panel ang pamahalaan na mag-aaral sa penal system sa bansa at tutukoy sa mga ispesipikong reporma na kinakailangan dito.

Paliwanag nito, ang naturang independent panel ay dapat na binubuo ng mga kinatawan mula sa non-government organizations, academe, Justice Department, Department of the Interior and Local Government, at faith-based groups.

Nang tanungin si Diamante kung sino sa palagay niya ang dapat na maging kapalit sa puwesto ni Diokno, sinabi ng CBCP official na isang mabuting choice si retired Parole and Probation Administrator Ismael Herradura.

Aniya, si Herradura ay isang taong may integridad at may magandang record bilang opisyal ng pamahalaan.

Alam din aniya nito ang pasikut-sikot sa naturang trabaho at may political will pa upang magpatupad ng pagbabago sa sistema.

Nitong Lunes ay nagbitiw sa puwesto si Diokno matapos matuklasan ang mga hindi awtorisadong paglabas sa compound ng NBP ni murder convict at dating governor Antonio Leviste.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply