Pagpupuslit ng botchang isda, baboy babantayan

NAGKASA na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng mga checkpoint sa mga lugar na malapit sa mga palengke sa Metro Manila upang mahadlangan ang pagpupuslit ng mga botchang isda at baboy.

Bukod sa mga checkpoint, iniutos din ni NCRPO director Chief Supt. Allan Purisima ang pagbuo ng inspection teams na magroronda sa mga palengke upang alamin kung may mga nakalulusot na botchang isda at baboy na ibenebenta ng mga vendor.

Ayon kay Purisima, dalawang pamamaraan ang isinagawa nila sa pagtutok sa mga botchang isda dahil sa sunod-sunod na pagkakadiskubre nito sa mga palengke mula nang magkaroon ng fishkills sa Pangasinan at Batangas.

Mag-iikot din sa loob ng mga palengke ang mga pulis upang bantayan, hindi lamang ang pagpasok ng mga botchang isda kundi pari na rin ang gumagalang mga masasamang elemento sa Metro Manila sa pagbubukas na rin ng klase sa Lunes.

Matatandaang, daan-daang kilong bilasang isda na pilit pa ring ipinapasok sa pamilihan ang nasasabat ng pulisya at mga lokal na pamahalaan.

Kabilang dito ang mga pamilihan sa Balintawak sa Quezon City na maaring galing sa Pangasinan at mga pamilihan sa Pasay, Makati at iba pang lungsod sa Southern Metro Manila na maaaring galing naman sa Batangas.

Tiniyak naman ni Purisima na katuwang ng mga pulis ang mga health official ng mga lungsod na mag-iikot sa mga palengke upang maaresto ang mga tindera o biyahero na magpapasok nito sa mga pamilihan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply