Pagtakas ng 800 preso pinasisiyasat ng DOJ

KUMILOS na ang Department of Justice (DOJ) upang maimbistigahan ang sinasabing pagtakas ng 800 bilanggo mula sa mga kulungang nasa ilalim ng Bureau of Corrections (BuCor).

Sa panayam, sinabi ni Justice Secretary Leila De Lima na aalamin nila ang tunay na dahilan ng pagtakas ng mga preso at kung nagkaroon ng pakikipagsabwatan ang mga opisyal ng bilangguan sa pagpuga ng mga bilanggo.

Batay sa rekord na nakarating sa tanggapan ng kalihim, pinakamaraming nakatakas na inmate sa Davao Penal Colony  na umaabot sa 227 habang  sumusunod  ang New Bilibid Prisons (NBP) na may 184 at ang ibang presong nakatakas ay galling sa ibang penal colony.

Nilinaw ni De Lima na ang nabanggit na datos ay kumakatawan mula sa taong 2000 hanggang taong 2011.

Nabatid rin sa kalihim na hindi lahat ng mga nakapugang preso ay nadakip at marami pa rin ang patuloy na pinaghahanap.

Nangangahulugan aniya ito na  maluwag o mahina ang seguridad sa mga piitan.

Idinagdag din ni De Lima  na ang mga presong tumakas ay maaaring makasuhan ng evasion of service of sentence habang  kasong administratibo o kriminal ang kakaharapin ng mga nagpabayang opisyal.

Pinuna rin ng justice chief na  hindi lahat ng insidente ng pagtakas ay inirereport sa kanya.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply