DENR sec inindyan ng Metro Manila mayors

DINEDMA ng karamihan sa mga meyor ng Metro Manila ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) nang hindi nila siputin ang lagdaan ng kasunduan o memorandum of agreement (MOA) sa pagitan nila at ni Environment Secretary Ramon Paje.

Sa 17 alkalde ng National Capital Region (NCR), apat lamang ang nag-paunlak na lagdaan ang MOA para sa pagkakaroon ng angkop na sistema sa pangangasiwa ng basura sa mga subdibisyon at condominium.

Kabilang na nga sa mga alkaldeng dumalo ay sina Taguig City Mayor Ma. Laarni L. Cayetano, Pateros Mayor Jaime C. Medina, Pasay City Mayor Antonino G. Calixto at Caloocan City Mayor Recom Echiverri.

Samantala, 13 alkalde na kinabibilangan nina Mayors Vergel C. Aguilar (Las Pinas), Jun-jun Binay (Makati), Canuto Senen A. Oreta (Malabon), Benhur Abalos (Mandaluyong), Alfredo S. Lim (Manila), Del R. De Guzman (Marikina), Aldrin San Pedro (Muntinlupa), John Reynaldo Tiangco (Navotas), Florencio Bernabe, Jr., (Paranaque), Robert Eusebio (Pasig), Herbert Bautisa (Quezon City), Guia Gomez (San Juan), at Sherwin Gatchalian (Valenzuela)  ay nagpadala na lamang ng kinatawan para sa MOA signing.

Dahil dito, nagkaroon ng agam-agam ang mga nakasaksi sa programa kung ano ang kahihinatnan ng mga basura sapagkat tila hindi naman ganoon kainteresado ang iba pang alkalde sa nasabing programa.

Sa kabila nito, kumpiyansa pa rin si Paje na masosolusyunan pa ang problema sa basura ng Metro Manila kasabay ang paghamon sa mga lokal na opisyal na humanap ng paraan upang umabot sa mga kabahayan ang kaugalian ng paghihiwa-hiwalay ng basura.

“Hanggat hindi nakikipag-cooperate ang households, hindi matatapos ang problema sa basura,” ani Paje.

Tinatayang nasa 75 porsiyento umano ng basura sa Metro Manila ay nagmumula sa mga subdibisyon at condominium, habang 25 porsiyento naman ang basurang nalilikha ng mga informal settler.

Kahit inindiyan ng maraming alkalde, tiniyak ni Echiverri, tagapangulo ng League of Cities of the Philippines (LCP), susuporta ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa DENR para maisaayos ang pangangasiwa sa basura. Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply