Palengke sa Taguig binabantayan sa isdang botcha

MAHIGPIT na pagbabantay ngayon ang ginagawa ng  Pamahalaang Lungsod ng Taguig upang hindi maibenta sa mga palengke nito ang botchang isda o isdang double dead.

Ipinalabas ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang direktiba sa harap ng fish kill na naganap sa ilang lugar sa lalawigan ng Pangasinan at Batangas at sa pagkakatuklas kamakailan ng mga botchang isda sa iba’t -ibang palengke sa kalakhang Maynila.

Bagamat wala pa sa mga pamilihan sa Taguig ang mga isda mula sa fish kill ay nagbanta si Cayetano na kukumpiskahin ang mga botchang isda kung mayroong magbebenta nito sa kanyang nasasakupan.

“Pangunahin po sa tungkulin ng city government ay ang protektahan ang kaniyang mga mamamayan. Ito po ang ating ginagawa, nang sa gayon ay walang Taguigueno na mapahamak sa botchang isda,” pahayag ni Cayetano.

Kabilang sa mga tanggapang inatasan ni Mayor Cayetano na magsagawa nang mahigpit na monitoring sa mga palengke at talipapa ay ang City Agriculture Office(CAO) at ang Market Management Office(MMO).

Sinabi ni Mayor Cayetano na ikinababahala niya ang pagkalat ng botchang isda sa Metro Manila dahil batay sa ulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang taong nakakain ng botchang isda ay maaaring malason.

Bukod sa mahigpit na monitoring at pagkumpiska sa mga isdang botcha ay pinalalakas din ng Taguig City government ang kaniyang information campaign hinggil dito.

“Hindi sapat ang mahigpit na monitoring para magtagumpay sa kampanya kontra botchang isda. Kailangang busugin ang mga mamamayan sa impormasyon nang sa gayon ay higit nilang maunawaan ang panganib na dulot nang pagkain nito,” paliwanag ni Cayetano.

Kabilang sa information drive na ginagawa ng Taguig ay ang pagpa-paskil ng mga tarpaulin sa mga palengke kung saan naka-imprenta ang babalang “nakalalason” ang pagkain ng isdang botcha.

Tiniyak naman ni Market Management Office(MMO) Officer-in-charge Dominador Corpuz na nagpakalat na rin sila ng mga pulyeto sa mga palengke upang lubos na maintindihan ng mga mamimili ang panganib ng idudulot ng isdang botcha. Ben Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply