Parak tinadtad ng bala sa photo shop

TODAS ang isang pulis matapos itong tadtarin ng bala habang nasa loob ng photo shop Lunes ng hapon, Hunyo 20, sa Langaray Caloocan City.

Ang biktima na namatay mismo sa pinangyarihan sanhi ng tinamo nitong 11 bala ng kalibre .45 sa iba’t-ibang parte ng katawan ay nakilalang si SPO2 Ernie Escalao, 45, nakatalaga sa District Special Operation Unit, ng Northern Police District ( DSOU-NPD) at residente ng No. 74A Gregorio St., Barangay Hulong Duhat, Malabon City.

Agad namang  nagpalabas ng manhunt operation sa kanyang kapulisan  si Chief Supt. Antonio Decano, director ng Northern Police District, para sa agarang pagdakip sa mga tumakas na salarin.

Batay sa pinagsanib na imbestigasyon nina P03 Albert Juanillo at PO2 Alejandro Villedo ng Station Investigation Division (SID) ng Caloocan Police, dakong alas-5:36 ng hapon ng maganap ang insidente sa loob ng Yes Photo Shop sa kahabaan ng Langaray Dagat Dagatan ng nasabing lungsod.

Ayon sa ulat, kasalukuyang nagpapa-recopy ng mga picture sa nasabing photo shop ang biktima ng biglang pumasok ang hindi pa nakikilalang suspek at nagkunwang costumer din.

Nang makumpirma ng suspek na ang nasabing pulis ang kanilang target ay agad itong nagbunot ng kalibre .45 at sunud-sunod na pinaputukan ng malapitan ang biktima na dagliang ikinasawi nito.

Matapos na maisagawa ang krimen agad lumabas ang salarin at mabilis na sumakay sa isang nag-aantay na motorsiklo at saka pinaharurot ng driver nito palayo sa pinangyarihan.

Nakarekober ang mga imbestigador ng 11 empty shells ng kalibre .45 at isang service firearm ng biktima na pinaniniwalaang hindi nito nagamit laban sa salarin.

Hanggang sa kasalukuyang ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang tunay na motibo sa pamamaslang sa nasabing pulis. Roger Panizal

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply