Pasukan na naman!

SA muling pagbubukas ng klase ngayong linggo, nagkukumahog na naman ang ating mga kinauukulan na magpaalala sa publiko na kailangan nating maglinis sa paligid para ligtas ang mga bata sa sakit tulad ng dengue.

Hindi natin lubos maintindihan kung bakit tila tuwing pasukan lamang naaalala ng mga kinauukulan na kailangan nating maghanda para maiwasan ang mga banta sa kalusugan ng ating kabataan. Hindi ba dapat araw-araw nating ginagawa ang paglilinis at paghahanda?

Tila nasasanay na ang ating mga kinauukulan na gampanan lamang ang kanilang tungkulin tuwing nandiyan na ang pangangailangan. Halimbawa, tuwing sasapit ang tag-ulan naaalala nating maglinis ng mga estero at kanal. Hindi ba dapat naman talagang malinis palagi ang lagusan ng tubig para maiwasan ang baha?

Muli na namang matataranta ang ating mga eskwelahan ngayong linggo dahil kulang na naman ang mga silid-aralan at mga upuan para sa mga bata. Bakit hindi ito tiningnan noong mga nakaraang buwan kung kailan meron pang sapat na panahon upang ayusin ang ating mga paaralan.

Ngayong araw ng pasukan ang dapat na pinatutuunan ng pansin ng mga guro ay kung ano ang mga tatalakayin sa klase, hindi kung saan sila magkaklase. Dapat pinag-uusapan na ngayon ng mga estudyante kung ano ang mga isyu at takdang-aralin na kanilang pag-aaralan, hindi kung meron silang mauupuan.

Tila hindi na talaga tayo nasasanay sa mga problemang ilang dekada na nating kinakaharap sa pagdating sa isyung pagbubukas ng klase. Hindi tuloy nakapagtataka na kulang ang kaalaman ng marami sa ating kabataan ngayon sa pagdating ng mga dapat nilang matututunan.

Nakakalungkot na sa papalapit na ika-150 kaarawan ng bayaning si Jose Rizal tila hindi pa rin natin naiintindihan ang kanyang sinabing ang kabataan ang siyang pag-asa ng bayan. Hindi pa rin natin binigyang halaga ang pag-aaral ng mga bata.

Kaya tuloy marami ang nagsasabing tila wala na talagan pag-asa ang bayang ito kaya mabuti na lamang ang mangingibang-bayan o kaya ay mananatili na lamang mangmang.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply