Pautang sa OFWs aprubado na sa Kamara

APRUBADO na sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang pagpapautang sa overseas Filipino workers (OFWs).

Nakapaloob sa House Bill 4539 na inihain ni Aurora Rep. Edgardo “Sonny” Angara na basta may maipakitang kontrata at dumaan sa lisensyadong recruitment agency ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang isang OFW ay maaari na itong makautang sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Base sa “Overseas Workers Credit Assistance Act of 2011”  hanggang P50,000 ang maaaring utangin ng isang OFW sa OWWA bilang panggastos sa unang ilang buwan na wala siyang sahod o pambayad ng recruitment expenses kabilang na ang placement fees, documentation costs at plane tickets.
“This is in recognition of the million and one sacrifices that they have to endure in the search for social and economic redemption which they have failed to achieve at home,” ani Angara.

Ayon naman kay Negros Occidental Rep. Ignacio Arroyo, isa pang awtor ng panukala na malaking tulong ito sa mga OFW na tinaguriang “bagong bayani.”

Ang OWWA ay inaatasan na bumuo ng online payment system sa loob ng isang taon kung saan maaaring bayaran ng OFW-borrower ang kanilang utang sa pamamagitan ng internet.

Oobligahan din ang OFW-borrower na regular na mag-remit ng kanilang loan payment o amortization sa OWWA accredited banking institutions.

Maaaring bayaran sa loob ng 12 buwan ang nahiram na halaga na may preferred interest rate na hindi lalagpas sa 6% per annum.

Nakapaloob pa sa panukala na kapag hindi nasunod ng borrower ang termino ng pagbabayad ay hindi na iisyuhan ng Overseas Employment Certificate (OEC) at iba pang exit permit o clearance para makapagtrabaho sa ibang bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply