Pautang sa OFWs sinimulan na ng OWWA

SINIMULAN na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang reintegration loan program o programang pagpapautang sa overseas Filipino workers (OFWs) upang magamit sa pagsisimula ng negosyo sa oras na magbalik na sila sa bansa.

Ayon kay OWWA Administrator Carmelita Dimzon, kabilang sa makikinabang sa naturang programa ang mga aktibong miyembro ng OWWA at mga dating miyembro na nagpasya nang bumalik sa Pilipinas mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

Sa ilalim ng naturang programa, makakautang ng mula P300,000 hanggang P2 milyon ang kuwalipikadong OFW bilang puhunan sa pagsisimula ng kanilang neegsyo na kanilang babayaran sa loob ng pitong taon at may interes lamang na 7.5% kada taon.

Nakapaloob sa naturang programa ang paglalaan ng P2-bilyong pisong pondo kung saan ang P1-bilyon ay magmumula sa trust fund ng OWWA habang tig-kalahating bilyon naman ang ibinuhos ng Land Bank of the
Philippines at Development Bank of the Philippines.

Tiniyak naman ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na gagabayan ng mga ahensiya ng pamahalaan ang mga kuwalipikadong OFWs sa pagtatayo ng kanilang negosyo upang matiyak na magiging matagumpay sila sa larangang pinasok.

Kabilang sa mga ahensiya ng pamahalaan na aayuda sa mga nakapangutang sa programa ang Department of Trade and Industry (DTI) na magbibigay ng kaukulang payo sa pinasok na negosyo, ang Department of Agriculture na magtuturo sa mga nagnanais pasukin ang agrikultura at ang Bangko Sentral ng Pilipinas na magmumula sa kaalaman kaugnay sa pananalapi.

Nauna nang hinimok ng Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III  ang mga OFWs na magtayo ng kanilang negosyo sa pamamagitan ng programa upang hindi na sila umalis ng bansa.

Bukod sa pagpapautang, isiniwalat din ng Pangulo ang iba pang programa na magbibigay proteksiyon at magtataguyod sa kapakanan ng OFWs, kabilang ang pagpapalawig sa scholarship program, pagpapalakas sa kampanya laban sa illegal recruitment, human trafficking, mabilis na pagresolba sa mga kaso at reklamo ng mga manggagawa at pagdaragdag ng OFW help desk sa mga rehiyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply