Kabataang drug couriers dumarami — PDEA

NAALARMA na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA ) sa paglobo ng bilang ng mga kabataang ginagamit na drug courier ng ilang sindikato sa kanilang illegal drug trade.

Ito ay matapos masakote ng PDEA ang isang 17-anyos na lalaki at dalawang iba pa nang salakayin ng mga elemento ng Metro Manila Regional Office at Special Enforcement Service ng PDEA ang hinihinalang drug den sa Makati City noong ika-7 ng Hunyo.

Sinabi ni PDEA Director General Jose S. Gutierrez na nakakaalarma na ang pagdami ng mga kabataang nahuhuli nila na sangkot sa illegal drug trade ng mga sindikato.

Base umano sa rekord, mula 2003 ay umabot na sa 854 ang kabuuang bilang ng mga kabataang mula pito hanggang 17 anyos ang nahuhuli dahil sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ngayong 2011 lamang aniya ay may 85 na menor de edad na ang nahuhuli ng iba’t ibang law enforcement unit dahil sa paglabag sa anti-drug law, at 34 porsiyento sa kanila ay hawak ng sindikato at ginagawang drug pushers.

Ang iba sa mga ito ay nahuhuli sa mga sinasalakay na taniman ng marijuana sa Central Visayas at ang iba ay ginagawang trabahador sa shabu laboratories sa Metro Manila.

Ani Gutierrez, ginagawang panangga ng drug syndicate ang isang batas sa ilalim ng Section 6 ng RA 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, kung saan ay nakasaad na hindi puwedeng ikulong ang isang kabataang may edad na 15 pababa na nasasangkot sa alinmang kasong kriminal.

Sa halip, ang mga ito ay isinasailaim pansamantala sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa kaso naman ng 17-anyos na suspek, sinabi ni Gutierrez na liable ito sa kasong kriminal sa ilalim ng RA 9344 sakaling mapatunayan ng korte na sangkot ito sa kasong iligal na droga.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply