Mag-ingat sa ‘scarlet fever’ -DOH

NAKAALERTO na ang Department of Health (DOH) laban sa childhood illness na scarlet fever.

Ito’y kasunod ng ulat na may outbreak ng naturang sakit sa Hong Kong.

Ayon kay Dr. Eric Tayag, director ng National Epidemiology Center (NEC) ng DOH, partikular na inalerto nila ang pediatricians, na inabisuhang kaagad mag-report sa kanila kung magkaroon ng pasyenteng mga batang 10-taong gulang pababa na may sintomas ng scarlet fever upang kaagad maaksiyunan.

Paliwanag ni Tayag, ang scarlet fever ay sakit ng mga bata na sanhi ng exotoxin na inilalabas ng ‘streptococcus pyogenes.

Karaniwan umanong apektado nito ay mga batang nasa pagitan ng dalawa hanggang walong taong gulang.

Nagagamot naman ito sa pamamagitan ng antibiotic, bagamat naniniwala ang mga health official ng Hong Kong na may bagong strain ng scarlet fever, dahil sa naganap na outbreak sa kanilang lugar.

Kaugnay nito, nangangamba ang DOH na maging sanhi rin ng outbreak ng sakit sa Pilipinas ang naturang bagong strain, na sinasabing resistant sa kilalang antibiotics treatments.

Ilan sa sintomas ng sakit ay lagnat, sore throat, rashes at dila na kulay strawberry.

Karaniwang sanhi nito ang rashes sa mukha, leeg, dibdib at likod, na sa simula ay mukhang matinding sunburn lamang na may mga butlig at nangangati, na parang bungang araw.

Naaalis naman ang sakit matapos ang 48-oras na antibiotic treatment.

Kaagad namang nilinaw ni Tayag na sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na ulat na Pinoy na infected ng scarlet fever.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply