Pera ng PCSO iniipit ni Juico- Manoling

“HINDI sariling pera ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang iginagastos sa mga mamamayang humihingi ng tulong kundi nagmumula ito sa mamamayang mananaya ng lottery kaya’t hindi dapat iniipit ni Juico ang pera ng ahensiya.”

Ito ang mariing inihayag ngayong Miyerkules ni dating PCSO chairman Manoling Morato sa kanyang pagdalo sa lingguhang No Holds Barred forum ng National Press Club.

Naghihimutok sa galit si Morato sa pag-aakusa sa kanya ng kasalukuyang PCSO chair na si Margie Juico na umano’y mabilis na paggastos nito ng pera ng PCSO noong siya ang nasa puwesto.

Sa naturang forum, inihayag ni Morato ang kanyang hinanakit sa mga nanunungkulan sa PCSO dahil na rin sa hindi maayos na pagtrato ng mga ito sa mga mamamayan na nangangailangan ng higit na tulong mula sa nasabing charity institution.

Pangunahing tinukoy rito ni Morato si PCSO Chairman Juico kung saan hinamon nito na magdemanda na lamang siya at hindi yung nagsasalita ito sa media upang mapagtakpan lamang ang anomalyang kinakaharap ng nasabing ahensya.

Humarap din sa nasabing presscon ang ilan sa mga nagnais na makahingi ng tulong sa PCSO sa administrasyon ni Chairman Juico ngunit hindi sila napagbigyan na maambunan ng tulong.

Kabilang din sa mga humarap sa ginanap na forum ay sina Mang Raul Buenaventura, Marie Angela Honor, Blessila Dimasil, Bernardita Bernardo at Darwin Carlos bilang director ng Ahon Pamilyang Lansangan Foundation na siyang tumutulong sa mga mahihirap upang makalikom ng perang kakailanganin ng mga ito sa kanilang pagpapagamot.

Sa mga nabanggit na pangalan, inihayag nila ang kanilang mga hindi makatarungang naranasan sa kamay ng kasalukuyang namamahala ng PCSO dahil ang kanilang mga hawak na dokumento ay nire-reject ng kasalukuyang administrasyon kahit matagal na itong naaprubahan ng board.

Ayon pa sa ilan sa mga ito, hindi naaprubahan ang kanilang resolution na makapagpagamot sa ibang bansa (Taiwan) dahil ang gustong mangyari ni Chairman Juico ay sa Medical City sila magpunta at magpagamot.

Sinabi ni Bernardo, isang nurse, na sinabihan siya ni Juico na bakit kailangan niyang dalhin sa ibang bansa ang pera ng gobyerno.

Ito rin ang malaking pinagtataka ni dating PCSO Chairman Morato, kung bakit ayaw maglabas ng pera para sa pangangailangn ng mga pasyente gayong nagmula rin ito sa mamamayang mananaya.

Sinabi naman ni Darwin Carlos, na noong panahon ni Pangulong Gloria Arroyo at ni dating chairman Morato ay may 15 silang naipadalang pasyente sa Taiwan at tinulungan ito ng PCSO.

Samakatuwid, nagbigay ng kaukulang medical o financial assistance ang dating pamunuan kumpara ngayon na pahirapan ang paghingi ng tulong sa nasabing charity institution.

Ani Carlos, may tatlo silang naipadalang pasyente sa Taiwan ngunit ito ay sa pamamagitan ng kanilang sariling paglilikom ng pera na walang galing na tulong sa PCSO sa ilalim ng panunungkulan ni Juico.

Dahil dito, pinayuhan ni Morato ang mga ito na magsampa ng demanda sa Ombudsman para sa pagbabalewala ni Juico sa kanilang mga resolution.

Hindi umano matitigil ang mga anomalyang ito hanggat may mga opisyal na pilit na kinakamkam ang pondo ng ahensya.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply