Pewee Trinidad kakasuhan ng Ombudsman

PINAKAKASUHAN ni Acting Ombudsman Orlando C. Casimiro si dating Pasay City Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad at tatlong iba pa bunsod ng maanomalyang proseso ng bidding para sa konstruksyon ng Pasay City Mall and Market noong 2003.

Nagpalabas ng 33-pahinang resolusyon ang Tanodbayan na nagsasabing kailangang makasuhan si Trinidad, dating City Councilor Jose Antonio Roxas, at mga kinatawan ng Non-Government Organization – Bids and Awards Committee (NGO-BAC) na kinabibilangan nina Joselito Manabat at Alexander Ramos.

Nilabag umano ng apat ang Sec. 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at may kaugnayan din ito sa RA 9184 (Government Procurement Reform Act); at Art 237 ng Revised Penal Code (Prolonging Performance of Duties and Powers).

Naibigay ang proyekto sa Izumo Contractors, Inc., na lowest bidder at nagkaroon din ng Memorandum of Agreement na nilagdaan nina Cedric Lee, President of Izumo Contractors, Inc., at ng City Government ng Pasay sa pamamagitan ni Trinidad.

Batay sa records, noong Oktubre 3, 2003, nag-isyu si Trinidad ng imbitasyon para sa bidding ng itatayong gusali noong mga panahong iyon. Halagang P500 milyon ang pondong inilaan para rito sa pamamagitan ng Pasay City Kaunlaran Bonds.

Ngunit noong Oktubre 6, 2003, hiniling ni Trinidad sa pahayagang maglalabas ng patalastas na huwag na munang ituloy ang paglalathala nito habang hindi pa naaaprubahan ng Konseho ng Pasay ang ordinansang magbibigay ng budget para sa proyekto.

Noong Oktubre 21, 2003, naipasa ang City Ordinance No. 2864. S. of 2003 na nagbibigay ng karapatan sa Bond Floatation ng pamahalaang lokal na nagkakahalaga ng hindi sosobra sa P500-M para nga sa naturang mga proyekto.

Matapos ang dalawang araw, nag-imbita muli ang lokal na pamahalaan para sa mga nais sumama sa bidding ngunit lumalabas sa imbestigasyon ng Ombudsman na irregular ang naging proseso ng bidding.

Nauna pa kasi ang implementing rules ng proyekto kaysa sa pagpapatibay ng ordinansa na nagbigay kay Trinidad ng karapatan na makipagnegosasyon para rito.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply